Entertainment

KUNG SUMAYAW MAN ANG NAGLULUKSA

ISANG PAGSUSURI NG PELIKULANG MARKOVA: COMFORT GAY NI GIL PORTES

/ 3 November 2026

Tuwing ang isang tao’y nagluluksa, ang madalas na reaksyong nakikita rito ay kalungkutan, paghihinagpis, pagluha, pagkawalang gana sa buhay, o kaya naman ay pagkitil sa sariling buhay. Ngunit ang buhay ni Walterina ay iminulat ako sa ibang anyo ng pagdadalamhati, ipinakilala niya sa akin ang kabilang mundo kung saan at paano magdalamhati ang isang bakla, isang baklang parausan—sa namatay man na tao o sa nakaraaang sarili at pamumuhay nito.

Sa pelikula ni Gil Portes, isiniwalat ang kalagayan ng mga baklang parausan o kung tawagin sa pelikula ay mga comfort gay. Inilarawan ito ni Walterina bilang simbolo ng kaniyang buhay: “isang masamang panaginip, isang bangungot, pero totoo.”

Ang buhay niya ay binubuo ng iba’t ibang yugto ng karanasang humubog sa kung sino si Walterina Markova ngayon. Binuksan nito ang iba’t ibang suliraning kinakaharap ng isang bakla; ang diskriminasyon sa kanilang uri, dominasyon ng patriyarkal na pananamantala, pagtrato sa kanila bilang mga ‘parausan,’ paghahanap ng layunin sa lipunan, at pangungumbinsi ng pagtanggap mula sa lipunan.

Gaya ng karamihan sa mga kaibigan kong bakla, tinanggap ni Walterina ang ganitong trato, umayon sa agos ng kaniyang buhay, at namuhay na lamang sa kung anong idinidikta ng lipunan sa kanila. Ngunit, isa sa mga ikinatuwa at ikinalungkot ko mula sa kanyang buhay, kahit papaano ay nahahanapan pa rin ni Walterina ng puwang ang buhay niyang mapanakit upang magawa pa rin ang kanyang mga hilig, magmahal ng kung sino ang kanyang gusto, pumunta sa mga simbahan, kumain ng kaniyang paboritong kamote, turuan ng beauty lessons ang mga japayuki, at mag-tanghal sa entablado.

Kung babasahin, mukha itong magandang karanasan, magandang buhay kung tutuusin para sa isang bakla, pero hindi dapat. Nang matapos ko ang pelikula, ang tanging nasa isip ko lamang ay buong buhay ni Walter, Walterina, at Walterina Markova ay nagluluksa siya. Hindi lamang sa pagkamatay ng kaniyang kuya o ng kaniyang mga kaibigan, pinagluluksaan niya rin ang ibang reyalidad kung saan tanggap silang mga bakla, buhay kung saan hindi nila kailangan matakot sa pagdadamit babae, buhay kung saan malaya silang makakapaglagay ng kolorete sa mukha, buhay kung saan hindi kekwestyunin kung totoo ba ang pananamantala sa kanila dahil sila ay bakla, buhay kung saan hindi kasalanan ang pagpapakatotoo sa sarili.

Isa pa sa aking napansin mula sa sinematograpiya ng pelikula ay kung paanong paulit-ulit na  ipinagtatagpo ang nakaraan at kasalukuyang bersyon ni Walterina tuwing inaalala niya ang karanasan niya mula sa pang-aabuso ng mga Hapon. Ito ay nagsilbing simbolo ng trauma ni Walterina na kailanman ay mananatili sa kaniyang isip, ngunit isang paalala rin na dapat lamang ay ipagpatuloy niya ang kanyang buhay, sa kabila ng madilim na karanasan na ito.

Nang makalaya sila sa mga Hapon, hindi naging basta-basta ang paghilom ng kanilang sugat mula sa nakaraan, naging mahirap ito kay Walterina, Anita, Carmen, Minerva, at Sophie. Iba’t ibang paraan ng paghilom ang kanilang ginawa ngunit sa bisig lamang ng isa’t isa sila tunay na nakakaramdam ng kapayapaan.

Sa kalagitnaan ng aking panonood ng pelikula, nang pumasok ang karakter ni Loren Legarda bilang mamamahayag na naghahanap ng mga comfort women upang sila ay makapanayam, dito ko nakita kung paanong naapektuhan ng patriyarka ang pamumuhay ng mga bakla.

Nagkakilala si Legarda at Walterina dahil sa pagsisinungaling ni Walterina na siya ay isang comfort woman, totoo ngunit hindi siya isang babae, at hindi rin siya agad pinaniwalaan ni Legarda. Dagdag pa rito, nang mabanggit ni Walterina sa mga Japayuki ang kaniyang pagiging comfort gay ay hindi rin siya agad pinaniwalaan ng mga ito. Manipestasyon lamang ito kung paano hinubog ng patriyarka ang lipunan pati na ang perspektibo ng kababaihan sa kung paanong tingnan ang mga bakla, kung paanong isantabi ang karanasan ng mga ito, at kung paanong tratuhin lamang sila bilang ‘basta-basta.’

Ang mga karakter ng kababaihan mula sa pelikula sa aking perspektibo bilang manonood ay mapagkandili ngunit mababaw, at namamanipula ng karakter ng mga lalaki. Bukod sa mga nabanggit na sina Loren Legarda at ang mga Japayuki, ang Nanay ni Markova ay isa rin sa manipestasyon nito. Litaw man sa pelikula ang pagiging ligtas na espasyo ng ina ni Walterina sa kaniya tuwing siya ay nabubugbog ni Bobby, mas nangingibabaw pa rin ang awtoridad ni Bobby sa pagdidikta sa kung paano ang magiging takbo ng buhay ng kaniyang kapatid.

Ang ideolohiya ng patriyarka pagdating sa isang pamilya ay ang primaryang pangunguna ng mga lalaking miyembro ng pamilya para sa pagdedesisyon—sa edukasyon, pera, sa loob ng bahay, kabilang na rin ang takbo ng buhay ng ibang miyembro ng pamilya. Dahil dito, mas nagkakaroon ng pagtingin ang mga kababaihan na ang kanilang opinyon o desisyon sa loob ng bahay ay hindi mahalaga at nagdudulot ng kawalan ng kumpiyansa sa sarili at iniiwan na lamang ang mga ‘mahahalagang desisyon’ sa mga lalaki sa pamilya, (Katz, 2020).

Dagdag pa rito, nang makaranas ng sekswal na pang-aabuso si Walterina noong siya’y bata pa, noong ibinabahagi na niya ang karanasan na ito sa kaniyang kaibigan, ang tono ng kaniyang pananalita ay para bang hindi isang krimen ang ginawa sa kaniya.

Inilarawan pa niya ang laki ng ari ng nang-abuso sa kaniya at palabirong binanggit na nagkaroon siya ng pakiramdam na parang gusto pa raw niya ito. Ayon kay Monahan (2023), ang pagbibiro ay madalas na ginagamit ng mga biktima ng sekswal na pang-aabuso bilang mekanismo ng pag-iwas sa pag-proseso sa isang traumatic experience ng isang tao, iniiwas nila ang kanilang sarili sa malalim na pagsusuri na ang nangyari sa kanila ay isang malala at matinding pangyayari upang hindi na nila ito damdamin at makausad na lamang sa buhay. Ito ang naging bala ni Walterina upang makausad sa kaniyang buhay—ang magbiro.

Binibigyang-diin ng pelikula na ito ang malaking epekto ng patriyarka, na noon pa man ay nagsimula na sa pag-dedetermina ng awtoridad base sa sekswal na kapasidad ng tao, hanggang sa sakupin nito miski ang maliliit na bagay tulad ng paglilinis ng bahay, pagdadalang-tao, pakikilahok sa isang male dominated field, pagdedesisyon, at ano ang iyong kalagayan sa lipunan.

Si Walterina Markova ay biktima lamang ng patriyarkal na lipunan, kung saan minanipula nito ang takbo ng kaniyang buhay. Magmula sa kaniyang kuya na si Bobby, si Roco, ang kaniyang ina, si Loren Legarda, ang Hapong ipinadakip siya, ang direktor na inuutusan siya, at ang mga Hapong nang-abuso sa kaniya; ang mga karakter na ito ay iba’t ibang manipestasyon ng patriyarka na umikot sa buhay ni Walterina. Inilagay ng patriyarka si Walterina sa landas kung saan habang buhay siyang magluluksa at mag-iisip kung anong klaseng buhay ba dapat ang meron ang isang bakla.

Sa kabilang banda, ang pagluluksang ito ay unti-unting naitataboy tuwing si Walterina ay sumasayaw; nagtatanghal sa entablado, ipinapakita ang kaniyang galing sa bawat galaw, na para bang ang malaking puwang na iniwan ng pagluluksa ay napupunan ng kaniyang pagsasayaw.

Sa huling parte ng pelikula, nang magtanghal si Walter, Walterina, at Walterina Markova sa entablado ay malaking simbolo ng kaniyang pagpapalaya sa sarili, na sa kabila ng buong buhay niyang pagluluksa, tanging pagsasayaw lamang ang kaniyang ligtas na espasyo—sa bawat pitik, galaw, at emosyong inilalahad tuwing siya ay nagtatanghal ay niyayakap siya ng pakiramdam nito at ipinapadama kung paano maging malaya ang isang bakla.

MGA SANGGUNIAN

Monahan, K. (2023). If I Didn’t Laugh, I’d Cry: Humor as a Coping Strategy for Adult Survivors of Childhood Sexual Abuse. Retrieved April 27, 2025,  from http://intechopen.com/chapters/88475

Katz, L.T. (2020).Tearing down the maternal wall in the legal profession: A perspective

inspired by different feminism. Retrieved April 27, 2025, from https://www.law.georgetown.edu/gender-journal/wp-content/uploads/sites/20/2021/08/Tearing-Down-the-Maternal-Wall.pdf