Overtime

EALA HANDA NA SA HOMECOMING EXHIBITION MATCH

23 November 2026

MAGBIBIGAY si Filipina tennis sensation Alexandra Eala ng isang kapana-panabik na laban para sa kanyang mga kababayan sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas sa Disyembre 8, kung saan makakaharap niya sa isang exhibition match ang Indonesian tennis player at malapit na kaibigan na si Janice Tjen.

Bagama’t exhibition match lamang ang kanilang paghaharap, tiniyak ng world No. 15 na dala pa rin niya ang matinding determinasyon at agresibong laro na ipinakikita niya sa mga international tournament.

“I will bring all forms of me, everything, the whole package, you’ll get it. But it will be intense, I’m sure,” pahayag ni Eala sa isang roundtable interview sa Bonifacio Global City.

Inilarawan ni Eala bilang isang espesyal na pagkakataon ang homecoming event na pinamagatang “Alex Eala Live: Game. Set. Celebrate,” lalo’t bibigyan siya nito ng pagkakataong muling makapaglaro sa harap ng kanyang mga kababayan sa isang malaking entablado.

Para sa tennis star, isa itong “full circle” moment na lalong nagiging makabuluhan dahil bihira siyang magkaroon ng pagkakataon na makipagkompetensiya sa ganitong antas sa sariling bansa.

Excited din si Eala na makaharap si Tjen, na matagal na niyang kakilala at minsan pa lamang nakalaban sa professional circuit. Nagkaroon na rin sila ng pagkakataon na magsama bilang magkapares sa doubles competition.

Inilarawan ng Pinay ace ang Indonesian bilang isang kumpletong manlalaro na may malakas na serve at forehand, mahusay na touch at slice, gayundin ang talas sa taktika.

“I think she is a very powerful player,” ani Eala patungkol sa kanyang makakaharap.

Umaasa naman si Eala na susuportahan ng maraming Pilipino ang naturang torneo upang maging bahagi ng isang makasaysayang pagkakataon sa kanyang karera.

“It would mean the world to me if you guys could get a piece of that and get a piece of how I feel and how proud I feel. To be holding this event. So I hope to see you all on December 8th at my exhibition match,” dagdag niya.