Overtime

UAAP: TAMARAWS SUMIGURO NG PLAYOFF PARA SA ‘FINAL FOUR’

23 November 2026

MAGAAN na dinispatsa ng  Far Eastern University Tamaraws  ang National University Bulldogs, 85-63, upang patatagin ang kanilang kampanya sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament nitong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Umakyat sa 8-5 kartada ang Tamaraws at nanatili sa solong ikatlong puwesto, habang tiniyak ang  playoff para sa huling puwesto sa Final Four sa natitira nilang isang laro sa elimination round.

Bumagsak naman sa 9-4 ang Bulldogs at naputol ang kanilang tatlong sunod na panalo, ngunit nanatili sa ikalawang puwesto.

Pinangunahan ni Jorick Bautista ang opensa ng Tamaraws sa kanyang 18 puntos, habang nagdagdag si Luke Felipe ng 14.

Nagtala si Mohamed Konateh ng double-double na 13 puntos at 10 rebounds. Nag-ambag din sina Mark Burgos at Kirby Mongcopa ng 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Agad na nagdikta ng tempo ang FEU matapos magtayo ng 27-21 kalamangan sa unang quarter. Lalo pang nagpasigla sa Tamaraws ang buzzer-beating three-pointer ni Bautista bago matapos ang first quarter.

Pinalobo pa ng FEU ang bentahe sa second quarter matapos dominahin ang NU, 21-12, upang dalhin ang 48-33 kalamangan sa halftime.

Lalong lumayo ang Tamaraws sa third quarter nang magtala ng 24 puntos habang nilimitahan ang Bulldogs sa 11 lamang para sa malaking 72-44 abante.

Nanguna sa Bulldogs si PJ Palacielo na may 17 puntos, habang nagtala si Reinhard Jumamoy ng 10.