FEU SINIBAK ANG UST, PASOK SA SSL FINALS
PINUTOL ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang winning streak ng University of Santo Tomas Golden Tigresses sa pamamagitan ng 25-17, 21-25, 25-19, 25-19 panalo sa knockout semifinals ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup sa Ninoy Aquino Stadium.
Sa panalo ay umabante ang FEU sa finals sa kauna-unahang pagkakataon upang harapin ang Adamson University Lady Falcons sa best-of-three finals series na magsisimula sa Disyembre 6.
Pinangunahan nina Gerz Petallo at Lovely Lopez ang ratsada ng Lady Tamaraws, na agad bumawi matapos magtabla ang dalawang koponan sa unang dalawang set.
Mas naging agresibo ang FEU sa ikatlong set at nakapagtayo ng kalamangan na hindi na binitiwan hanggang sa pagtatapos ng set. Nadala rin ng Lady Tamaraws ang kanilang momentum sa ikaapat na frame upang tuluyang isara ang laban.
Nag-ambag si Lopez ng 18 puntos, pawang mula sa attacks, 6 digs at 3 excellent receptions.
“Sabi lang ni coach (Manolo Refugia) na nothing to lose and ibigay lang namin ang lahat,” ani Lopez.
Nanguna naman si Petallo sa opensa ng FEU sa kanyang 22 puntos mula sa 19 attacks, dalawang kill blocks at isang ace. Nagdagdag si Kyle Pendon ng 10 puntos para sa Lady Tamaraws, na nagtapos lamang sa ikatlong puwesto sa nakaraang tatlong edisyon ng torneo.
Nanguna si Angge Poyos sa UST na may 13 puntos, habang nagtala sina Regina Jurado at Marga Altea ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.