SAN BEDA ‘DI LILIPAT SA UAAP
MARIING pinabulaanan ng San Beda University ang kumakalat na espekulasyon hinggil sa posibleng paglipat nito sa UAAP, at muling iginiit ang matatag nitong pananatili sa NCAA habang naghahanda bilang host ng Season 102.
Nilinaw ni Atty. Jonas Cabochan, kinatawan ng Management Committee ng paaralan, na walang katotohanan ang naturang mga -usapan at aniya’y karaniwang lumalabas ang ganitong mga haka-haka tuwing nagcha-champion ang Red Lions sa kompetisyon.
“Alam ninyo, gaya ng sabi ko, pag nagcha-champion ang San Beda, iisipin nila na laging lilipat sa UAAP. San Beda is the last founding member of the NCAA. Nakita naman natin na nakatulong ang San Beda sa sport,” pahayag ni Cabochan sa PSA Forum.
“Kaya ‘yung paglipat na ‘yon, chismis lang ‘yon na mabili. Siyempre, pag may bumibili, pag-uusapan. Pag wala nang bumibili, hindi ka na pinag-uusapan, ikaw na lang bumibili ‘eh,” dagdag niya.
Matapos pabulaanan ang isyu, ibinaling ng San Beda ang pokus nito sa nalalapit na pagho-host ng Season 102. Sa kabila ng ilang natitirang events sa kasalukuyang season, sinimulan na ng unibersidad ang paghahanda upang matiyak ang maayos na pagdaraos ng susunod na season ng liga.
Huling nag-host ang San Beda noong Season 92 (2016–2017), kung saan nasungkit nito ang general championships sa seniors at juniors divisions, at nabawi rin ang titulo sa men’s basketball.
Ayon kay Cabochan, kumpiyansa ang paaralan na mas mapahuhusay pa nito ang pagho-host, kasabay ng panawagan na manatiling nakatuon sa kasalukuyang mga laban.
“Huwag ka nang mag-look forward kasi pinag-uusapan pa lang, maglo-look forward na. Pero siyempre yung Season 102, gaya ng pagsagot ko, masaya at tsaka we are optimistic,” ani Cabochan.
Ibinunyag din niya na may mga isinasagawang pag-uusap para sa susunod na broadcast partner ng NCAA matapos ang pagtatapos ng limang taong kasunduan nito sa GMA Network, na nagpalabas ng mga laro sa iba’t ibang platforms.
“Sabi ni chairman, abangan ang susunod na kabanata. Pero meron [na kausap na network],” ani Cabochan.
“For me, okay, pero siyempre mas maganda na kausapin niyo yung mga naging chairperson ng NCAA nung time ng NCAA and GMA partnership kasi sila yung mas nakipag-usap sa network ‘eh,” dagdag niya.