DELOS SANTOS NAGTALA NG 2 JUNIOR WORLD RECORDS
NAG-IWAN ng marka si Albert Ian Delos Santos sa 2026 International Weightlifting Federation (IWF) World Championships matapos magtala ng dalawang junior world records at pumang-apat sa men’s 70-kilogram division Biyernes ng gabi sa Ningbo, China.
Bumuhat ang Pinoy weightlifter ng kabuuang 331 kilo, tampok ang bagong junior world record na 187kg sa clean and jerk, sa kanyang kampanya laban sa mga pinakamahusay na lifter sa senior-level competition.
Nagdagdag si Delos Santos ng 144kg sa snatch upang makumpleto ang kanyang kabuuang buhat. Bagama’t hindi umabot sa podium, naging kahanga-hanga ang kanyang performance matapos makapagtala ng mga bagong rekord sa pandaigdigang entablado.
Nagbigay rin ng dagdag na karangalan sa kampanya ng Pilipinas ang magkapatid na Rose Jean at Rosegie Ramos, na kapwa nakasungkit ng bronze medal sa kani-kanilang dibisyon sa mga naunang araw ng kompetisyon.
Naunang naghatid ng medalya si Rose Jean Ramos nang makuha ang bronze sa snatch ng women’s 49kg category sa pamamagitan ng 86kg na buhat.
Bumuhat din siya ng 95kg sa clean and jerk para sa kabuuang 181kg, na naglagay sa kanya sa ika-5 puwesto sa pangkalahatang talaan.
Sinundan siya ng kapatid na si Rosegie Ramos, na nagwagi rin ng bronze sa snatch ng women’s 53kg division matapos buhatin ang 97kg. Nagtala siya ng 114kg sa clean and jerk para sa kabuuang 211kg.
Dahil sa mga tagumpay ng magkapatid, nakapagtala na ang Pilipinas ng dalawang bronze medal bago pa ang record-setting performance ni Delos Santos.
Nagsisilbing mahalagang bahagi rin ng paghahanda ng mga lifter ang kanilang kampanya sa world championships habang nagpapatuloy ang kanilang paglalakbay patungo sa 2028 Los Angeles Olympics.