Region

BANGKAY NG GURO NATAGPUAN SA SEPTIC TANK; 15-ANYOS NA ANAK, SUSPEK

/ 3 November 2026

MALAGIM ang sinapit ng isang 46-anyos na babaeng guro matapos umano siyang martilyuhin sa ulo ng kanyang 15-anyos na anak na lalaki sa Panglao, Bohol.

Nadiskubre ang bangkay ng guro noong Oktubre 31 matapos magreklamo ang mga residente sa Barangay Looc dahil sa dami ng langaw na namumuo sa isang abandonadong septic tank.

Nang siyasatin at buksan ito ng mga awtoridad at opisyal ng barangay, tumambad ang bangkay ng biktima sa loob nito.

Ayon sa Panglao Police Station, unang humingi ng tulong sa pulisya ang mga residente dahil sa kahina-hinalang dami ng langaw sa naturang septic tank.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang naganap ang krimen sa pagitan ng alas-3 at alas-4 ng madaling araw noong Sabado.

Sa hot pursuit operation, natukoy ng pulisya na ang 15-anyos na anak mismo ng biktima ang umano’y  suspek. Kalaunan, umamin umano ito sa awtoridad sa pagkakasangkot sa krimen.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-ina dahil sa madalas na pagliban ng binatilyo sa klase at pag-cutting classes.

Matapos ang insidente, ang binatilyo rin umano ang nagkaladkad sa katawan ng kanyang ina patungo sa septic tank at tinakpan ito ng mga bato upang maitago ang krimen.

Narekober naman ng mga pulis ang hinihinalang martilyong ginamit sa krimen na itinago umano ng binatilyo sa loob ng kanilang bahay.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), ang mag-ina lamang ang magkasamang naninirahan sa bahay.

Dahil menor de edad ang itinuturong suspek, isasailalim siya sa intervention ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang isang Child in Conflict with the Law (CICL), alinsunod sa mga umiiral na batas sa pangangalaga sa mga batang nasasangkot sa krimen.