EALA SINIBAK NI SHNAIDER SA PAN PACIFIC OPEN
NATAPOS na ang kampanya ni Alexandra Eala sa Toray Pan Pacific Open matapos siyang pataubin ni third seed Diana Shnaider ng Russia, 2-6, 7-6 (7-5), 6-4, sa quarterfinals ng WTA 500 tournament kagabi sa Tokyo, Japan.
Maganda ang naging simula ng No. 8 seed na si Eala nang makuha ang unang set, ngunit nakabawi si Shnaider upang agawin ang panalo at makapasok sa semifinals.
Nangibabaw si Eala sa unang set, 6-2, bago nagwagi ang Russian sa second-set tiebreak, 7-6, upang maipuwersa ang deciding set. Sa huling set, nanaig si Shnaider, 6-4, para tuluyang makumpleto ang comeback.
Naging dikdikan ang laban kung saan kapwa nagtala ng 116 puntos ang dalawang manlalaro. Mas marami namang game ang napanalunan ni Eala, 16-15, ngunit mas naging epektibo si Shnaider sa mahahalagang sandali.
Dalawa lamang sa 10 break-point opportunities ang na-convert ni Eala, habang isa sa siyam na pagkakataon ang nagamit ni Shnaider. Nagtala ang Pinay ng dalawang ace ngunit nakagawa ng pitong double fault. May limang ace at isang double fault naman ang Russian.
Bago ang pagkatalo, ginapi ni Eala sina British teenager Mika Stojsavljevic at Australian Talia Gibson upang makapasok sa quarterfinals.
Sa kabila ng maagang pagtatapos ng kanyang kampanya sa Tokyo, nakatulong ang naging performance ni Eala upang makabalik sa kanyang career-high ranking na No. 18 sa mundo, at nagkaroon pa siya ng pagkakataong umakyat sa mas mataas na puwesto.