Overtime

NCAA: CSB NANATILI SA LIDERATO

31 October 2026

NAPANATILI ng College of St. Benilde Blazers ang puwesto sa hanay ng mga nangunguna  sa Group A matapos pataubin ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 107-103, sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.

Umangat sa 8-3 kartada ang Blazers at nakisalo sa liderato sa Group A sa San Beda University Red Lions at Jose Rizal University Heavy Bombers na may kaparehong kartada. Naging krusyal ang kontribusyon ni John Morales sa dikit na laban matapos magtala ng 18 puntos, 5 rebounds at 1 steal.

Batid ni Morales ang kahalagahan ng pagwawagi sa gitna ng masikip na labanan para sa matataas na puwesto sa standings. “‘Yong tumatakbo lang sa isip ko is, ‘di kami puwede matalo sa game na ‘to.

Sa standings, dikit dikit,” aniya. “Inisip kong kailangan ko bumalik at mag-contribute kasi isa ako sa mga beterano dito.” Umabot sa 23 puntos ang kalamangan ng Blazers, ngunit hindi nagpatinag ang Pirates at unti-unting nakahabol sa fourth quarter hanggang maibaba sa 99-93 ang iskor.

Pinutol ni Matthew Jucom ang ratsada ng Lyceum sa pamamagitan ng isang three-pointer na nagbigay sa Blazers ng 102-93 bentahe, may 1:16 pa sa laro.

Muling nagbanta ang Pirates nang magsalpak si Renz Villegas ng tatlong free throws, ngunit tuluyang pinahina ni Ian Torres ang kanilang pag-asa sa pamamagitan ng isang tres na nagpalobo sa bentahe ng CSB sa 105-96. Nanguna si Jucom sa Blazers sa 23 puntos, 7 rebounds, 2 assists at 2 steals.

Nag-ambag naman sina SJ Moore at Jhommel Ancheta ng 18 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod. Kumamada si Matthew Rubico ng 28 puntos para sa Lyceum, habang nagdagdag si Villegas ng 26.

Gayunman, hindi ito naging sapat upang makaiwas ang Pirates sa pagkatalo at bumaba sa 4-7 rekord.