Nation

SEGURIDAD SA MGA PAARALAN PINALAKAS NG PNP

/ 16 September 2026

INATASAN ng Philippine National Police, sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang mga police unit sa buong bansa na gamitin at palawakin ang mga napatunayang epektibong hakbang upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan.

Alinsunod ito sa direktiba nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na paigtingin ang mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko at tiyakin ang proteksiyon ng mga estudyante at guro sa mga paaralan.

“School safety is a continuously evolving challenge and on the part of the PNP, our assistance extends to coming up with efficient security measures, including the best practices that should be replicated to ensure the protection and welfare of the learners,” ani Nartatez.

Binigyang-diin ng PNP chief na dapat maging maagap ang mga police unit sa pagtukoy at pagtugon sa mga posibleng banta sa seguridad sa halip na hintaying lumala ang sitwasyon.

“Let us be proactive. We do not want another attack to disrupt the security situation in our schools,” dagdag niya.

Partikular na nakatuon ang PNP sa pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan kasunod ng mga naunang insidenteng nagdulot ng pangamba sa kaligtasan ng mga estudyante at guro.

Isa sa mga inisyatibang binibigyang-diin ng PNP ang pinahusay na security coverage program ng Cebu City Police Office, na kinabibilangan ng foot patrol, mobile patrol at regular na pagbisita sa mga paaralan upang mapalakas ang police visibility at makatulong na maiwasan ang mga posibleng banta.

Sa ilalim ng programa, inaatasan din ang mga pulis na makipag-ugnayan sa mga punong-guro at guro upang matukoy ang mga posibleng problema sa seguridad at mapalakas ang mga umiiral na safety measures sa loob at paligid ng mga paaralan.

Sinabi ni Nartatez na naaalala niya ang mga programang inilunsad niya noong junior officer pa siya, kabilang ang pagsusulong ng magandang ugnayan sa pagitan ng pulisya at school community sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga aktibidad sa paaralan, gaya ng mga flag-raising ceremony.

Ayon kay Nartatez, kailangang manatiling ligtas na kanlungan para sa mga bata ang mga paaralan.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpigil na makarating ang anumang kaguluhan o karahasan sa mga learning institution upang makapag-aral at makapagtrabaho nang walang pangamba ang mga estudyante at guro.

Sinabi rin niya na patuloy na pinapahusay ng PNP ang koordinasyon nito sa Department of Education upang higit pang mapalakas ang mga hakbang para matiyak ang kaligtasan sa mga paaralan.