ROTC PLANONG IBALIK SA COLLEGE
PINAG-UUSAPAN na ng Department of Education at ng Commission on Higher Education kung sa high school o sa college ilalagay ang mandatory Reserved Officers Training Corps.
“Yes totoo ‘yun na meron na kaming initial meetings with CHED and with some of the congressmen and senators kung paano ibalik ‘yung ROTC,” sabi ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte-Carpio.
Ayon pa sa Bise Presidente, posibleng ibalik ulit sa college ang ROTC.
“During our discussion, I think, it was clear sa lahat na mas maganda na ibalik ang ROTC sa higher education since noon nasa higher education na talaga siya,” ani Duterte-Carpio.
Magpo-focus na lamang, aniya, ang DepEd sa pagtuturo ng tamang disiplina at pagmamahal sa bayan sa mga mag-aaral.
“The basic education will focus on other parts of the curriculum mag-instill ng discipline and love of country sa ating mga learners,” aniya.
Sinabi ni CHED Chairperson Prospero de Vera III na nakikipag-usap na sila sa Bise Presidente at kay Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa para bumalangkas ng isang kasunduan upang pagsamahin ang nilalaman ng lahat ng kaugnay na mga panukala.
Ibinasura ang mandatory ROTC program noong 2002 matapos maipasa ang Republic Act 9163 kung saan ipinatupad ang National Service Training Program.