Nation

KULAY NG PAKIKIBAKA: SINING AT ANG LABAN NG MGA MAGSASAKA SA BANTA NG PAX SILICA

/ 31 October 2026

Sa gitna ng mabilis na pag-ikot ng lipunan, hindi namamalayan ng mga indibidwal na ang mga ordinaryong bagay ay nagiging tahimik na sigaw ng panawagan. Tulad ng tradisyonal na sining, na sa unang tingin ay simpleng palamuti lamang sa mga dingding ng makabagong tahanan, o kaya’y tahimik na nagpapahinga sa mga museo.

Ngunit ngayong Buwan ng mga Pesante, para sa mga kabataang alagad ng sining, ang bawat haplos ng pintura ay hindi lamang simpleng pagpapahayag ng sarili kung hindi isang matapang na paninindigan at panawagan para sa pagbabago.

Noong Oktubre 21, sa gitna ng paggunita ng Buwan ng mga Pesante at pagkakaisa sa pakikibaka ng mga magsasaka, muling pinatunayan ng mga kabataan na ang tunay na ganda ng sining ay nakatali sa katarungan.

Sa gitna ng matinding hamon na hinaharap ng lumalalang banta ng pagmimina at land conversion para sa kontrobersyal na proyektong Pax Silica, ang mga kabataang alagad ng sining ay nakiisa sa programa ng mga pesante gamit ang kanilang talento bilang boses at sandata.

Pax Silica bilang kalaban ng mga magsasaka.

Bakit nga ba nakikiisa ang mga kabataang artista at piniling ialay ang kanilang talento para sa marginalized sector?

Dahil nauunawaan nila na ang kwento ng mga magsasaka ay parte rin ng kwento ng kanilang kinabukasan. Kapag ang lupa ng komunidad ng agrarian ay pinasok ng industriyal na pag-angkin katulad ng silica mining, pagtayo mismo ng data center, hindi lang ang mga taniman ang masisira, kung hindi ang buong pundasyon ng suplay ng pagkain ng mga mamamayan at ang tuluyang pagbabago ng pambansang soberanya.

Sa pamamagitan ng pagsama sa piling ng mga magsasaka noong Oktubre 21, itinatawid ng kabataang artista ang tila napakalayong agwat ng teknikal na isyu patungo sa puso ng mamamayan. Hindi nila kailangang maging magsasaka upang maramdaman ang sakit ng pag-agaw sa lupa dahil sapat nang sila ay mga mamamayang may kamalayan at may kakayahang magbigay-hugis sa hinaing ng bayan.

Tulad ni Keno Ei, isang estudyante mula sa PUP at kasapi ng Artista ng Rebolusyong Pangkultura (ARPaK), buong tapang niyang ibinahagi ang kaniyang pananaw sa sining bilang isang makapangyarihang panawagan.

“Yung sining ko kasi, ito yung pinaka-primary way ko para makipag-communicate sa mundo. Kasi ito yung nakikita ng lahat. Gusto ko na makita ng mundo kung ano ‘yung dapat, ano ‘yung tama at mali, at kung ano ‘yung nangyayari sa paligid ko.”

Malinaw para sa mga tulad ni Keno na ang sining ay lagpas sa pansariling ekspresyon dahil tulay na ito upang bigyang-boses ang mga sektor na madalas pinagkakaitan ng karapatan at hustisya ng gobyerno.

Ang sining ng kabataan ngayon ay hindi nakakulong sa mga pormal na gallery. Ito ay buhay, gumagalaw, at nakikipag-usap sa masa. Sa pamamagitan ng kanilang tapang at pagiging malikhain, mas madaling maunawaan ng karaniwang mamamayan ang ibig sabihin ng “No to Pax Silica.”

Nagbahagi ng makabuluhang pahayag si JP, isang kasapi ng Sinagbayan, o Sining na Naglilingkod sa Bayan, hinggil sa sining bilang makapangyarihang panawagan.

“Sa mga biswal na anyo tulad ng murals, ginagamit namin ang mga ito bilang matitinding simbolo upang ipakita kung paano naging sunud-sunuran si Bongbong Marcos kay Donald Trump. Isa ito sa mga matitinding halimbawa ng konsepto at paglalarawan kung paano sinakmal ni Donald Trump at ng kanyang kolonyal na impluwensya ang mga Pilipino.”

Sa pamamagitan ng mga biswal na obrang ito, ang mga pampulitikang isyu na madalas ay mahirap maintindihan ng mga karamihan, ay mas nabibigyang linaw at lantad sa mata ng publiko. Ito ay halimbawa ng isang mabisang paraan upang hubaran ang katotohanan ng pagsasamantala sa ating bayan.

Ngunit ang bigat ng mga mensaheng ito ay hindi lamang makikita sa natapos na obra, kung hindi maging sa mismong proseso ng paggawa nito.

Ang bawat oras at panahon na ginugugol ng mga kabataang artista sa pagbuo ng ideya, pagbabalangkas ng konsepto, at paglapat ng kulay ay isang anyo ng pagninilay at pakikipag-isa. Ang mga artista ng bayan ay naging tulay upang mailahad nila sa biswal na wika ang mga pangarap, galit, hinaing, at pag-asa ng mga magsasakang matagal nang hindi pinapakinggan.

Habang patuloy na isinusulong ang mga proyektong nagbabantang yumurak sa kalikasan at sa karapatan ng magsasaka, matatag na tumitindig ang kabataang alagad ng sining, parang mga punlang sumisibol sa gitna ng unos. Ang kanilang panawagang “Lupa sa Magsasaka, Hindi sa Pax Silica!” ay hindi lamang naging sigaw noong Oktubre 21, kung hindi naging panata ng isang henerasyong handang ialay ang malikhaing lakas para sa bayan.

Hangga’t may kabataang handang mag-alay ng oras at talento para sa katarungan, mananatiling naglalagablab ang sining bilang buhay na saksi at walang kapagurang tagapaghatid ng panawagan para sa pagbabago.