NCAA: JRU NATAKASAN ANG LYCEUM, BALIK SA TRANGKO
NALUSUTAN ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang huling ratsada ng Lyceum of the Philippines University Pirates upang maitakas ang 81-78 panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Bumangon ang Heavy Bombers mula sa nakaraang pagkatalo sa San Beda University Red Lions at umangat sa 8-3 kartada upang angkinin ang solong liderato sa Group A. Bumagsak naman sa 4-6 ang Pirates.
Hawak ng JRU ang 79-75 kalamangan sa natitirang 1:23 minuto ng fourth quarter, ngunit muling nagbanta ang Lyceum nang maisalpak ni Matthew Rubico ang basket na may kasamang foul upang ilapit ang Pirates sa 79-78, may 16 segundo pa sa orasan.
Gayunman, kalmadong isinalpak ni Lawrence Mangubat ang dalawang free throws sa sumunod na opensa upang palawakin sa 81-78 ang bentahe ng Heavy Bombers.
Nagkaroon pa ng 9.2 segundo ang Lyceum upang maipilit ang overtime, ngunit hindi pumasok ang tangkang tres nina Lance Aurigue at Renz Villegas.
Nanguna si Sanlea Peñaverde sa panalo ng JRU sa naitalang 22 puntos, limang assists, apat na steals at tatlong rebounds.
Kinilala ni Peñaverde ang kakayahan ng Lyceum na lumaban hanggang dulo, lalo na matapos muntik nang makapasok sa Final Four ang Pirates noong nakaraang season.
“‘Di naman sila (Lyceum) basta-basta sumusuko, last season muntik pa sila mag-Final Four. Kapag pinapanood ko sila, malakas talaga at iba talaga ‘yong laro nila,” ani Peñaverde.
Nag-ambag si Sean Salvador ng 16 puntos, habang may 12 si Mangubat. Nagtala naman si Ivan Panapanaan ng double-double na 10 puntos at 12 rebounds para sa JRU.
Sa panig ng Lyceum, kumamada si Villegas ng 20 puntos, walong rebounds at anim na assists. Nagdagdag si Jonathan Daileg ng 15 puntos at si Rubico ng 12.