Nation

PAGKAKALOOB NG TERTIARY EDUCATION SUBSIDY SA HEIs APRUB SA HOUSE PANEL

/ 15 January 2021

LUSOT na sa committee level sa Kamara ang panukala para sa pagpapalawak ng sakop ng tertiary education subsidy upang saklawin ang mga mahihirap na estudyante sa mga private higher education institution.

Sa virtual hearing ng House Committee on Higher and Technical Education, inaprubahan ang House Bill 8137 ni Baguio City Rep. Mark Go na naglalayong amyendahan ang Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education dahil sa limitasyon ng mga estudyanteng nabibigyan ng benepisyo.

Sa pagdinig, ipinaliwanag ni Go na may mga lugar sa bansa na walang local at state universities and colleges kaya dapat payagan ang mga estudyante mula sa pribadong paaralan na makapag-aplay ng subsidiya.

Nagpahayag din ng pagsang-ayon sa panukala ang Commission on Higher Education, gayundin ang ilang organisasyon tulad ng Association of Local Colleges and Universities at Coordinating Council of Private Educational Associations.

Kapwa iginiit ng dalawang organisasyon na malaking tulong ang pagpapalawak ng subsidiya hindi lamang sa mga estudyante kundi maging sa mga private educational institution.

Batay sa rekord, sa kasalukuyan ay 242 public HEIs, kabilang ang state universities and colleges, local universities and colleges at ilan pang special education institutions ang saklaw ng scholarship program.

Ipinaliwanag ng kongresista na nagiging limitado ang saklaw ng programa dahil sa geographical considerations bukod pa sa limitadong kurso na opsiyon ng mga estudyante sa mga public HEI.

“This bill seeks to allow students opting to study in private HEIs to benefit from the coverage of the Tertiary Education Subsidy through a voucher system,”pahayag ni Go sa kanyang explanatory note.

Batay sa panukala, maglalaan din ng budget para sa ‘poor and academically able students’ sa pamamagitan ng voucher system na nais mag-aral sa private HEIs sa mga lungsod at munisipalidad na mayroon ding SUCs at LUCs.

Saklaw ng benepisyo ang tuition at iba pang school fees, kasama rin ang allowance para sa libro, school fees, transportasyon at reasonable allowance para sa documented rental o pagbili ng personal computer o laptop kung kinakailangan.