GENERALS SINILAT ANG PIRATES PARA SA BACK-TO-BACK WINS
NAGPATULOY ang pag-angat ng Emilio Aguinaldo College Generals matapos nitong pataubin ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 89-79, sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Ito na ang ikalawang sunod na panalo ng Generals matapos talunin ang San Sebastian College Golden Stags sa kanilang nakaraang laro, na nag-angat sa kanila sa 2-3 kartada.
Dikit ang labanan hanggang sa mga huling minuto ng fourth quarter, kung saan nagtabla ang dalawang koponan sa 78-all.
Doon na nagsimulang kumawala ang EAC matapos ang 5-1 ratsada na tinapos ni Joseph Nunag sa isang short jumper para ilagay ang Generals sa unahan, 84-79, may 1:16 na lamang sa orasan.
Sinubukan pang makalapit ng Pirates, ngunit tuluyang isinara ni Wilmar Oftana ang pinto para sa Lyceum nang magpakawala siya ng tres, may 45 segundo sa orasan, na nagbigay sa Generals ng 87-79 kalamangan.
Pinangunahan ni EJ Castillo ang Generals sa 23 puntos at tatlong rebounds, habang nag-ambag si Oftana ng 13 puntos at anim na rebounds.
Bumagsak sa 1-4 ang Lyceum sa kabila ng solidong laro ni Matthew Rubico, na nagtala ng double-double na 21 puntos at 10 rebounds. Nagdagdag si Roger Ondoa ng 20 puntos, habang may 11 naman si Renz Villegas.