Overtime

UST VS ADAMSON SA V-LEAGUE FINALS

4 October 2026

NAISAAYOS ng University of Santo Tomas Golden Tigresses at Adamson University Lady Falcons ang finals showdown sa 2026 V-League Collegiate Challenge matapos pataubin ang kani-kanilang katunggali sa Game 2 ng kanilang semifinal series kahapon sa Playtims FilOil Centre sa San Juan.

Winalis ng Golden Tigresses ang Arellano University Lady Chiefs, 25-16, 25-21, 25-15, habang sinibak ng Lady Falcons ang University of the East Lady Warriors, 25-21, 25-17, 25-20.

Nakatakda  ang Game 1 ng best-of-three Finals sa Miyerkoles, Oktubre 7, sa parehong venue.

Mula sa second set ay unti-unting nakontrol ng UST ang laban bago tinuldukan ang serye sa dominanteng third set.

Naging susi sa paglayo ng Tigresses ang kanilang depensa sa net. Nagdagdag si setter Cassie Carballo ng net kill para sa 8-2 abante sa third set bago kumana si Marga Altea ng tatlong sunod na puntos para palobohin ang kalamangan sa 16-9.

Nanguna si team captain Regina Jurado para sa Golden Tigresses sa kanyang 19 puntos mula sa 16 attacks, isang block at dalawang aces, bukod pa sa limang digs, habang may tig-13 sina Altea at Angeline Poyos.

Masaya si UST coach Shaq Delos Santos sa pag-abante sa Finals matapos ang hindi gaanong magandang elimination-round campaign ng kanyang koponan.

“Siyempre, happy kami (to reach the Finals), especially ‘yung mga players kasi nga medyo shaky kami buong eliminations. Pero good thing na nakapag-perform kami nang maayos. Not enough do’n sa gusto naming mangyari, but good sign siya na may future ‘yung team,” ani Delos Santos.

“Dapat maging precise ‘yung galaw namin sa lahat ng aspects. And hopefully ‘yung tapang. Sabi nga namin, binibigay namin every day ‘yung maibibigay namin sa skills. Yung talent andiyan, pero ‘yung tapang, sipag, ‘yung dedication, dapat manggagaling sa kanila,” dagdag niya.