UAAP: FALCONS DINAGIT ANG TIGERS
NAGPAMALAS ng dominanteng performance ang Adamson University Soaring Falcons para durugin ang University of Santo Tomas Growling Tigers, 85-57, sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Mula pa sa first quarter ay kontrolado na ng Soaring Falcons ang laro at lumamang ng hanggang 28 puntos bago tuluyang isara ang laban.
Pinangunahan ni Matthew Montebon ang opensa ng Adamson sa kanyang season-high 21 points, kabilang ang dalawang three-pointer, habang pitong assists at limang rebounds.
Malaking ambag din mula sa bench si Emmanuel Anabo na kumana ng 17 puntos, kabilang ang apat na three-pointers, habang may 11 puntos si Earl Medina. Angat sila sa 1-1 karta.
Umabante ang Adamson, 19-12, matapos ang first quarter at nadagdagan pa ang kalamangan sa halftime, 36-23. Patuloy na kontrolado ng Falcons ang laro sa third quarter bago tuluyang kumawala sa fourth period.
Hindi nakahanap ng sapat na opensa ang UST sa buong laban, dahilan upang hindi ito makalapit sa laro.
Nanguna para sa Growling Tigers si Collins Akowe na may 19 puntos at 15 rebounds, habang nagtala si Amiel Acido ng 11 puntos.
Matapos umiskor ng 22 puntos sa nakaraang panalo ng UST laban sa University of the East, nalimitahan si Mark Llemit sa dalawang puntos lamang laban sa Adamson. Bumagsak sila sa 2-2 marka.