Overtime

ENRIQUEZ NAGDAGDAG NG SILVER SA ASIAD

4 October 2026

DINAGDAGAN ni Alexandria Luz Enriquez ng silver medal ang kolekisyon ng Team Philippines matapos na pumangalawa sa women’s jiu-jitsu -63 kilogram kahapon sa Aichi Prefectural Martial Arts Hall sa Japan.

Kinapos sa ika-5 ginto sana ng bansa si Enriquez matapos siyang daigin ni Orapa Senathan ng Thailand sa pamamagitan ng advantage sa kanilang gold medal match.

Hindi rin pinalad ang kapwa jiu-jitsu athlete ni Enriquez na si Andrea Lois Lao matapos na yumukod kontra Narankhiskig Baasanjargal ng Mongolia sa bronze medal match.

Ang silver medal ni Enriquez ang ikalawang medalya ng jiu-jitsu ngayong Asian Games matapos na mag-uwi ng bronze medal si Jenna Kaila Napolis sa women’s -52 kilogram noong Biyernes.

Samantala, bigong makasungkit ng medalya ang Philippine Blu Girls matapos malasap ang 12-2 pagkatalo sa Chinese Taipei sa battle for bronze medal ng softball sa Anjo Softball Ground.

Sa padel women’s pair, hindi rin pinalad ang pares nina Danna Abad at Joshea Malazarte matapos ang 6-0, 6-0 pagkatalo sa tambalan nina Novela Putria at Beatrice Gumulya ng Indonesia sa bronze medal match.

Nagtapos na rin ang kampanya ng bansa sa taekwondo nang lumasap ng 2-0 pagkatalo si Baby Jessica Canabal laban kay Fadia Khirfan ng Jordan sa women’s -57 kilogram quarterfinals.

Sa golf, nagtapos sa ikaanim na puwesto si Rianne Malixi habang ika-15 naman si Bianca Pagdanganan sa women’s individual stroke play, habang nasa ika-15 si Justin De Los Santos at ika-26 si Miguel Tabuena sa men’s.

Tinapos ng Team Philippines ang kanilang kampanya na may apat na gold, siyam na silver, at 16 na bronze medals, mas maganda sa 4-2-12 medal haul noong 2022 Asian Games.