NATIONAL COLLEGE FOR SCIENCE, TECHNOLOGY, ENGINEERING AND MATH IPINATATAYO SA NEW CLARK CITY
ISINUSULONG ni Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos Barba ang pagtatayo ng National College for Science, Technology, Engineering and Mathematics sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Sa kanyang House Bill 8630, ipinaalala ni Barba na alinsunod sa Konstitusyon, dapat bigyang prayoridad ang edukasyon, science and technology, arts, cultura at sports para mamayani ang pagiging makabayan ng bawat isa.
Idinagdag pa ng kongresista na mandato ng estado na protektahan at itaguyod ang karapatan ng bawat indibidwal para sa dekalidad na edukasyon sa lahat ng antas.
“In light of the most recent issues that concern certain state universities and other private higher education institutions that were identified as the breeding ground or recruitment arena of left-leaning political groups, the country would be greatly benefited by the establishment of a national college that would offer purely STEM courses,” pahayag ni Barba sa kanyang explanatory note.
Alinsunod sa panukala, kasama sa mga kursong iaalok sa panukalang national college ang mandatory courses para sa patriotism, civic responsibility at social awareness.
Batay rin sa House Bill 8630, ang itatayong national college ay pamamahalaan ng Commission on Higher Education, Department of Science and Technology at Technical Education and Skills Development Authority.
“The STEM College is envisioned to rival the prestige of studying and becoming a graduate of the University of the Philippines system,” dagdag pa ni Barba.
Nakapokus din ang STEM College sa pagbuo ng innovative and practical solutions sa real-life problems, pagtuklas ng mga bagong kaalaman hinggil sa kalikasan at kalusugan at pagpapalakas ng digital transformation sa pamamagitan ng research, education at training.