20% TAX SA POLL PAY NG TEACHERS INALMAHAN
KINUMPIRMA ng Teachers’ Dignity Coalition na kakaltasan ng 20 percent tax ang honorarium ng mga gurong magsisilbi sa darating na halalan.
Ayon kay Benjo Basas, national chairperson ng grupo, ito ay aypn sa ilan nilang kasapi na dumalo sa isinasagawang pagsasanay kaugnay sa darating na eleksiyon sa Mayo.
“Para namang atat na atat sa maliit na halagang masisingil ang BIR sa ating mga guro at talagang kinaltas na ang P200 sa P1000 na transportation allowance. Kung tutuusin ay halos wala nang halaga itong P1000 lalo pa ngayong sobra-sobra nang nagtaas ang presyo ng langis. Baka sa huli abonado pa ang mga teacher natin,” ayon kay Basas.
Nananawagan ang grupo sa Commission on Elections at Department of Education at maging sa mga mambabatas na agad na himukin ang BIR na suspendihin ang pagpapataw ng buwis na ito na ayon sa grupo ay hindi makatarungan.
“‘Yung mga teacher natin na piniling umupo sa halalan kahit may security at health risk at kahit maliit ang honorarium ay dapat lalo pang bigyan ng incentives at hindi kuhanan ng buwis,” dagdag pa ni Basas.
Sa mga ulat na natanggap ng TDC mula pa noong nakaraang linggo ay bawas na n g P200 ang dapat sana’y P1,000 na transportation allowance bago pa ito ibigay sa mga guro.
Kabilang si Ryan Dela Cruz, guro sa Muntinlupa, sa mga nagsasanay sa kasalukuyan sa Eurotel Las Pinas na makatatanggap ng P800.
“Nagulat nga kami kasi pinaghahanda pa ng P200 ang mga teacher para maging sukli sa iaabot nilang P1000. Walang kawala, napakasegurista. Sana ganito rin sila sa lahat ng dapat nilang buwisan,” himutok ni Dela Cruz.
Ayon sa Comelec Resolution 10727, ang honorarium sa mga gurong uupo sa Electoral Board sa darating na halalan ay P7,000 para sa chairman at P6, 000 para sa members at karagdagang P2,000 transportation allowance.
“Sa tingin namin ay hindi naman ito malaking kawalan sa gobyerno, mas dapat habulin ang mga tax eavders mula sa mga bilyonaryo, mga politiko at mga korporasyon, kung seryoso tayong buwisan ang mga kumikita,” dagdag ni Basas.
Nagpadala na ng pormal na liham ang TDC sa Comelec at humingi na sila ng diyalogo kay Chairman Saidamen Pangarungan hinggil dito at sa iba pang mga hinaing ng mga guro kaugnay sa halalan. Naghihintay na lamang umano sila ng tugon mula sa ahensiya.