NU PERFECT PA RIN SA SSL UNITY CUP
PATULOY ang mainit na ratsada ng National University Lady Bulldogs matapos walisin ang Arellano University Lady Chiefs, 25-12, 25-16, 25-14, para sa ikatlong sunod na panalo sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Pinangunahan ni Chams Maaya ang NU sa kinamadang 10 puntos mula sa 6 attacks, 2 service aces at 2 kill blocks. Nagdagdag si Celine Marsh ng walong puntos, habang may pitong puntos si Arah Panique at anim si Denesse Daylisan.
Para kay Maaya, mahalaga na patuloy na paghusayin ng koponan ang kanilang laro sa bawat pagkakataon upang mapanatili ang magandang takbo ng kanilang kampanya.
“Nagpo-focus kami sa sarili namin kung paano pa namin mai-improve ang skills namin kasi every game, every set, every point ay kailangang mag-improve kami,” ani Maaya.
Nagtapos si Samantha Maranan na may anim na puntos para sa Arellano, habang tig-limang puntos naman ang naitala nina Aleah Alipan at Keisha Abitria. Bumagsak sila sa 1-2 kartada.
Magpapatuloy ang aksiyon ngayon, kung saan maghaharap ang University of Perpetual Help System DALTA at San Beda University sa ala-1 ng hapon.
Susunod na magtutuos ang Adamson University at University of the East sa alas-3 ng hapon, bago ang sagupaan ng Ateneo de Manila University at Emilio Aguinaldo College sa alas-5 ng hapon.