Overtime

UAAP: GAME WINNER NI JUMAMOY ISINALBA ANG BULLDOGS VS TIGERS

11 October 2026

ISINALPAK ni Reinhard Jumamoy ang game-winning triple upang igiya ang National University Bulldogs sa 87-85 panalo laban sa University of Santo Tomas Growling Tigers sa overtime sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahappn sa Smart Araneta Coliseum.

Naghahabol ang Bulldogs sa 84-85 nang kumana si Jumamoy ng pahirapang tres sa kabila ng depensa ni Growling Tigers center Collins Akowe upang  maitarak ang panalo.

Nagtapos si Jumamoy na may 19 puntos, kabilang ang apat na three-pointers, anim na rebounds at anim na assists, upang pangunahan ang ikalawang sunod na panalo ng NU at iangat ang kartada nito sa 4-2.

“Sinabi ko lang sa sarili ko na ako ang last man na mag back down sa team namin kasi ako ang beterano sa team na ito,” ani Jumamoy matapos ang laro.

Nag-ambag si PJ Palacielo ng 16 puntos, habang nagdagdag si Kenshin Padrones ng 11 mula sa bench. May tig-10 puntos sina Mac Mac Alfanta at Paul Francisco para sa Bulldogs.

Kontrolado ng NU ang malaking bahagi ng laban at umabot pa sa 15 puntos ang kanilang kalamangan sa second half. Gayunman, hindi sumuko ang Growling Tigers at unti-unting nakahabol upang itulak ang laro sa overtime.

Sa dagdag na limang minuto, nakalamang ang UST, 85-84, matapos ang mga three-pointer at free throw ni Landyn Jumawan. Ngunit sa huling bahagi ng overtime, muling bumida si Jumamoy sa kanyang game-winning triple upang tuluyang agawin ng Bulldogs ang panalo.

Nanguna sa UST si Jumawan na may 22 puntos, sinundan ni Amiel Acido na may 21, nagdagdag si Mark Llemit ng 20 puntos, habang nagtala si Akowe ng 11. Laglag sila sa 2-3 marka.

ADRIAN CO