NCAA: JRU BINOMBA ANG SAN SEBASTIAN
PINULBOS ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang San Sebastian College-Recoletos Golden Stags, 102-78, sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa Philsports Arena sa Pasay City.
Ikatlong sunod na panalo ito ng JRU na umangat sa 5-1 kartada sa Group A, habang nanatiling walang panalo ang San Sebastian sa pitong laro.
Hindi naging masaya si Heavy Bombers coach Nani Epondulan sa naging simula ng kanyang koponan, kaya agad niyang pinaalalahanan ang mga manlalaro sa halftime na itaas ang kanilang enerhiya at pagsisikap.
“We started flat. ‘Yong effort at energy na hinahanap namin, ‘di nila nabigay kaya no’ng halftime, sinabi ko ’yon sa dugout,” ani Epondulan. “Credit to the boys and players na nagrespond sa mga sinabi ko.”
Agad na tumugon ang JRU at tuluyang kumawala sa third quarter. Mula sa dikit na 56-51 kalamangan, nagpakawala ang Heavy Bombers ng 16-5 ratsada na tinapos ng tres ni Chris Hubilla para sa 72-56 abante.
Nagtapos ang third quarter na abante ang JRU sa 75-63 bago inilayo pa ng Heavy Bombers ang iskor sa huling 10 minuto upang makumpleto ang 24 puntos na panalo.
Nanguna si Lawrence Mangubat sa opensa ng JRU sa 20 puntos, habang nagtala si Hubilla ng double-double na 14 puntos at 11 rebounds. Nag-ambag naman sina Jalen Garcia at Jahmir Eligado ng 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Hindi sapat ang 17 puntos ni Niel Castor para sa San Sebastian. Nagdagdag si Ralph Gabat ng 12 puntos, habang may 10 si Dash Cuya.