Overtime

DLSU NAMUMURO SA SWEEP SA UAAP WOMEN’S VOLLEY

Mga laro ngayon: (UST Quadricentennial Pavilion) 11 a.m. - UE vs NU 5 p.m. - UP vs FEU

12 April 2026

PINALAWIG ng De La Salle University Lady Spikers ang kanilang dominasyon sa UAAP Season 88 women’s volleyball matapos walisin ang Ateneo de Manila University, 25-13, 25-12, 25-18, kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Pinangunahan nina Angel Canino, Amie Provido, at Lilay del Castillo ang opensa at depensa ng La Salle upang mapanatili ang kanilang malinis na rekord at makalapit sa pagwalis sa elimination round.

Nanguna si Canino sa opensa sa naitalang 15 puntos, habang nagdagdag sina Provido at Del Castillo ng 12 at siyam na puntos, ayon sa pagkakasunod, upang itaas sa 12-0 ang kartada ng Lady Spikers.

Sa panalo laban sa kanilang long-time UAAP rivals, mas lumapit ang La Salle sa pagkamit ng outright Finals berth—isang insentibo para sa koponang makakakumpleto ng sweep sa eliminasyon.

Susunod na haharapin ng La Salle ang wala pang panalong University of the East bago makasagupa ang defending champion National University sa huling bahagi ng eliminasyon, sa laban na maaaring maging susi sa kanilang kampanya.

Nanguna si rookie Ana Hermosura sa kanyang 10 puntos, habang nagdagdag si Alexia Montoro ng pitong puntos para sa Blue Eagles, na nalaglag sa 1-11 na kartada.

Samantala, kumapit ang Adamson University Lady Falcons sa mahihigpit na sandali upang pataubin ang University of Santo Tomas Golden Tigresses, 27-25, 25-20, 26-24.

Pinangunahan nina Shaina Nitura at Nigerian spiker Frances Mordi ang opensa ng Lady Falcons sa kanilang 19 at 18 puntos, ayon sa pagkakasunod, upang ulitin ang kanilang first-round win kontra Golden Tigresses.

Umangat ang Lady Falcons sa 7-5, kapantay ang UST, habang nauuna pa rin sila sa ibang humahabol na koponan tulad ng Far Eastern University (6-5) at University of the Philippines (5-6).

Nanguna naman si Angeline Poyos sa Golden Tigresses sa kanyang 15 puntos.