JRU KAMPEON SA FILOIL TOURNEY
NAGHARI ang Jose Rizal University Heavy Bombers sa 19th Filoil EcoOil Preseason Cup matapos pataubin ang defending NCAA champion San Beda Red Lions, 74-67, Huwebes ng gabi sa Playtime Filoil Centre sa San Juan.
Sa panalo, nakumpleto ng Heavy Bombers ang two-game sweep sa finals at nasungkit ang ikalawa nilang preseason championship sa loob lamang ng dalawang buwan matapos ding pagharian ang 2026 U-Belt Invitational Tournament noong Hunyo.
Pinangunahan ni Tournament Most Valuable Player Lawrence Mangubat ang JRU sa itinalang 27 puntos, tatlong rebounds at tatlong assists.
Siya rin ang nagpasok ng dalawang krusyal na free throws, may 10.5 segundo na lamang sa laro upang tuluyang maselyuhan ang kampeonato.
“Ayaw ko lang matalo,” ani Mangubat.
Malaki rin ang naitulong ni Mythical Team member Chris Hubilla, na nagtala ng walong puntos, walong rebounds at limang assists. Ang kanyang block kay Daniel Marcelo sa nalalabing minuto ng laro ang tuluyang pumigil sa huling paghabol ng Red Lions.
Nag-ambag din si Jahmir Eligado ng 10 puntos at siyam na rebounds, habang umiskor sina Stephen Garupil at Allan Laurenaria ng tig-siyam na puntos. Dalawang krusyal na tres ang naipasok ni Garupil sa fourth quarter upang mapanatili ang kalamangan ng JRU.
“From the start, yun naman ang tinatrabaho namin. Mentally naiready namin sila,” sabi ni JRU head coach Nani Epondulan.
Tinapos ng Heavy Bombers ang preseason na may isang kabiguan lamang at winalis ang San Beda sa tatlong paghaharap ng dalawang koponan, kabilang ang 70-59 panalo sa Game 1 ng finals.
Ito rin ang kauna-unahang kampeonato ng JRU sa Filoil EcoOil Preseason Cup matapos maging runner-up sa kauna-unahang edisyon ng torneo noong 2006.
Napasama sina Mangubat at Hubilla sa Mythical Team kasama sina Aldous Torculas ng San Beda, Titing Manalili ng Letran at Veejay Pre ng University of the Philippines.
Pinangunahan ni Zed Etulle ang San Beda sa 14 puntos at apat na rebounds, habang nagtapos si Torculas na may 13 puntos. Nagdagdag naman si Marcelo ng 11 puntos sa pagkatalo.