CSB, LETRAN PASOK SA SSL SEMIS
TINAPOS ng De La Salle-College of Saint Benilde (CSB) at Colegio de San Juan de Letran sa pamamagitan ng panalo ang kani-kanilang kampanya sa elimination round ng 2026 Shakey’s Super League Collegiate National Invitationals kahapon upang makakuha ng puwesto sa semifinals.
Pinataob ng Lady Blazers ang Australian guest team na Southern Storm Melbourne, 25-14, 22-25, 25-22, 25-23.
Madaling nakuha ng Benilde ang unang set bago gumanti ang Southern Storm sa ikalawa. Gayunman, muling nakontrol ng Lady Blazers ang laro sa sumunod na dalawang set upang maselyuhan ang panalo.
Pinangunahan ni Shekaina Lleses ang Benilde sa naitalang 16 puntos mula sa 15 attacks at isang service ace, dahilan upang hiranging Most Valuable Player of the Match.
Sa kabila ng pagkatalo, umabante rin sa semifinals ang Southern Storm, kung saan muli nitong makakaharap ang Benilde.
Samantala, naisalba ng Letran ang kanilang kampanya matapos pataubin ang Enderun Colleges sa dikitang limang set na laban, 21-25, 25-21, 25-14, 14-25, 15-4, upang masungkit ang huling puwesto sa Final Four.
Matapos maagaw ng Enderun ang unang set, nakabawi ang Lady Knights at inangkin ang sumunod na dalawang set. Gayunman, naitabla ng Lady Titans ang laban matapos dominahin ang ikaapat na set.
Sa deciding set, tuluyang namayagpag ang Letran at nilimitahan ang Enderun sa apat na puntos lamang upang tuluyang maselyuhan ang panalo at ang semifinals berth.
Itinanghal na Most Valuable Player of the Match si setter Hizki Flores matapos pangunahan ang opensa ng Lady Knights sa naitalang 16 excellent sets.
Sa pagtatapos ng elimination round, kumpleto na ang apat na koponang maglalaban sa semifinals na binubuo ng top seed University of Santo Tomas, Southern Storm Melbourne, Benilde at Letran.