Overtime

UST VS CSB SA SHAKEY’S SUPER LEAGUE FINALS

25 July 2026

NAISAAYOS ng University of Santo Tomas at College of Saint Benilde ang finals showdown matapos manaig sa kani-kanilang semifinal matches sa 2026 Shakey’s Super League Collegiate National Invitationals kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.

Magaan na dinispatsa ng Golden Tigresses ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights, 25-10, 25-19, 25-12, upang manatiling walang talo at masungkit ang unang puwesto sa finals.

Mula sa unang set ay hawak na ng UST ang tempo ng laro sa pamamagitan ng mabilis na opensa at matatag na depensa, dahilan upang maiselyo ang isa na namang straight-set victory.

Pinangunahan ni team captain Regina Jurado ang Golden Tigresses sa kanyang 12 puntos mula sa 11 attacks at isang block. Dahil dito, itinanghal siyang Most Valuable Player of the Match.

Sa isa pang semifinal match, pinataob ng Lady Blazers ang Australian guest team Southern Storm Melbourne upang makuha ang ikalawang finals berth.

Ito na ang ikalawang beses na tinalo ng Lady Blazers ang Southern Storm sa torneo, sapat upang tuluyang maalis ang Australian squad sa labanan para sa kampeonato.

Nakatakda ang championship at battle for third place sa Linggo sa kaparehong venue.