Overtime

LADY BULLDOGS TUTUTUKAN SA UAAP SEASON 88 VOLLEYBALL

12 February 2026

MARKADO ang National University Lady Bulldogs sa pagbubukas ng UAAP Season 88 collegiate volleyball tournament ngayong weekend, sa kabila ng pagpasok ng koponan sa bagong yugto matapos ang pag-alis ng kanilang mga pangunahing bituin.

Sasagupain ng defending champion ang University of Santo Tomas sa Pebrero 15 sa SM Mall of Asia Arena, matapos ang tampok na Valentine’s Day duel sa pagitan ng De La Salle University at Far Eastern University sa araw ng pagbubukas sa Pebrero 14.

Bagama’t wala na sina Bella Belen at Alyssa Solomon, nananatiling matibay ang pundasyon ng Lady Bulldogs sa pamumuno nina setter Lams Lamina at outside spiker Vange Alinsug.

Dagdag-lakas din sa koponan ang rookie na si Sam Cantada sa ilalim ng bagong head coach na si Regine Diego habang target ng NU ang panibagong kampeonato.

“I don’t feel I’m new with NU since I was here before. I’m very happy to share the court with everyone and hopefully we defend the championship,” pahayag ni Diego sa isang press conference kahapon.

Ganito rin ang ambisyon ng NU men’s team na naghahangad palawigin ang kanilang dominasyon sa liga.

Pinangungunahan ang koponan nina middle blocker Peng Taguibolos, opposite spiker Leo Ordiales, at ang tambalang sina Buds Buddin at Jade Disquitado — pawang kinatawan ng Pilipinas sa 2025 FIVB Men’s World Championship.

“Sa amin naman, every season kasi nandiyan na ‘yung pressure ‘eh. Pero sa amin, ang importante talaga ay ma-solve lang yung nagiging problema namin sa laro and syempre, hindi lang sa laro pero sa labas din ng training namin. Ang importante lang sa amin yung magkaroon ng mindset na every time na nasa court kami, ibigay namin yung best namin palagi,” ani Bulldogs head coach Dante Alinsunurin.

Kasabay ng pagbubukas ng bagong season, magpapatupad din ang UAAP ng isang bagong patakaran na nakatuon sa pagpapalaganap ng sportsmanship sa liga.

Inihayag ni UAAP commissioner Mike Verano ang pagpapatupad ng green card system sa men’s at women’s divisions ng walong koponang torneo.

Sa ilalim ng bagong panuntunan, bibigyan ng green card ang mga manlalarong kusang aamin sa mga paglabag tulad ng block touch o net touch, upang mapabilis ang desisyon ng mga opisyal at mabawasan ang paggamit ng video review.

Sa pagtatapos ng season, gagawaran ng UAAP ng Sportsmanship Award ang koponang makalilikom ng pinakamaraming green card.

“The most important innovation that we’ll be implementing for Season 88 is the implementation of the green card. This will reward the student-athletes with their honesty and sportsmanship,” ani Verano.

“The green card will also be a requirement and a criteria to honor them at the end of the season with a Sportsmanship Award,” dagdag niya.