LADY KNIGHTS PERFECT PA RIN SA NCAA VOLLEY
NANATILING walang talo ang Colegio de San Juan de Letran Lady Knights matapos ang 25-18, 25-21, 25-14 pagwalis sa University of Perpetual Help Lady Altas sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament kahapon sa San Andres Sports Complex.
Umangat ang Lady Knights sa 5-0 kartada sa Group B at tinuldukan din ang limang sunod na panalo ng Lady Altas, na nanatili sa unahan ng Group A na may 5-1 marka.
Pinangunahan nina Vanessa Sarie at Judiel Nitura ang Lady Knights na may tig-16 puntos, habang nagdagdag si Gia Maquilang ng 13. Maayos namang pinatakbo ni setter Natalie Estreller ang opensa ng koponan sa naitalang 16 excellent sets.
Nanguna si Shai Omipon na may siyam na puntos para sa Lady Altas, habang nagtala si Fianne Ariola ng pitong excellent sets.
Sa unang laro, nakuha ng Jose Rizal University Lady Bombers ang una nitong panalo sa season matapos igupo ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-20, 25-20, 23-25, 24-26, 15-8.
Umakyat sa 1-5 ang Lady Bombers sa Group A matapos simulan ang torneo sa limang sunod na talo. Namuno sa JRU si Czarina Ramos na may 22 puntos, sinuportahan ni Nicole Deala na may 18, habang nagtala si Kyla Navarra ng 22 excellent sets.
Bumagsak ang EAC sa 0-6 sa Group B sa kabila ng 20 puntos na ambag ni Alessandra Razonable.