Overtime

LADY ALTAS NANATILING WALANG DUNGIS SA NCAA VOLLEY

5 February 2026

NANATILING walang talo ang University of Perpetual Help System Lady Altas sa NCAA Season 101 women’s volleyball makaraang magaan na dispatsahin ang Mapúa University Lady Cardinals, 25-20, 25-21, 25-11, kahapon sa San Andres Sports Complex.

Pinangunahan ng all-around na laro ni setter Fifi Ariola ang Lady Altas matapos magtala ng 24 excellent sets at magdagdag ng pitong puntos upang ihatid ang koponan sa ikaapat na sunod na panalo.

Sa  panalo ay nanatili sa tuktok ng Group A ang Lady Altas na may perpektong karta, habang bumaba sa 2-2 ang Lady Cardinals ngunit nananatili sa ikalawang puwesto.

Sa isa pang laro, dinomina ng Arellano University Lady Chiefs ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals sa straight sets, 25-19, 25-21, 25-18.

Pinangunahan ni rookie hitter Cris Servidad ang Lady Chiefs matapos umiskor ng 16 puntos mula sa 14 na atake upang itaas ang karta ng Arellano sa 2-2.

Samantala, nanatiling walang panalo ang Lady Generals sa Group B na may 0-4 marka.