LYCEUM NAKAISA RIN SA NCAA WOMEN’ VOLLEY
SA WAKAS ay nakalasap ng panalo ang Lyceum of the Philippines Lady Pirates sa NCAA Season 101 women’s volleyball tournament matapos walisin ang Emilio Aguinaldo College Lady Generals, 25-15, 25-19, 25-23, kahapon sa San Andres Sports Complex.
Pinutol ng Lady Pirates ang tatlong sunod na pagkatalo sa simula ng season at umangat sa 1-3 kartada sa Group B.
Pinuri ni Lyceum coach Cromwel Garcia ang kanyang koponan sa pananatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok at sa kalauna’y pagdomina sa Lady Generals.
“Tingin ko, ito na ‘yong hinihintay naming win na mag-iignite sa season namin,” ani Garcia. “’Yong mga bata naman, very positive sila. ‘yong mga bago namin, willing to learn and accept ‘yong mga pinapagawa sa kanila.”
Nanguna sa opensa ng Lyceum si Ashley Muchillas na may 12 puntos mula sa 11 atake at isang ace. Gayunman, aminado siyang kailangan pa niyang pagbutihin ang kanyang laro, lalo na sa depensa, upang mas makatulong sa koponan sa Group A.
“Sinabi lang sa’kin ni coach Cromwel na kailangan ko rin trabahuhin ‘yong defense ko, ‘di pwedeng puro lang palo. Kailangan mas magimprove pa ‘ko sa defense ko, hindi lang sa palo,” ayon kay Muchillas.
Nag-ambag si Johna Dolorito ng 11 puntos, habang si Katrina Galedo ang nagpakilos sa opensa ng Lady Pirates sa pamamagitan ng 16 excellent sets.
Umiskor ng siyam na puntos si Cara Xia Xyra Dayanan para sa Lady Generals na nanatiling walang panalo matapos ang tatlong laro.
Sa isa pang laro, pinanatili ng University of Perpetual Help Lady Altas ang pamamayani sa Group A matapos ang dominateng 25-20, 28-26, 25-18 panalo laban sa San Sebastian College Lady Stags.
Pinalawig ng Lady Altas ang kanilang winning streak sa tatlo, sa pangunguna ni Jemalyn Menor na may 13 puntos. Nagdagdag naman sina Shai Omipon at Cyrille Almeniana ng 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nabalewala ang 13 puntos ni Katherine Santos matapos madapa ang Lady Stags sa ikalawang sunod na talo at bumagsak sa 1-3 rekord.