Overtime

UP KINALDAG ANG LA SALLE

12 October 2026

TINAPOS ng University of the Philippines Fighting Maroons ang kanilang dalawang sunod na pagkatalo matapos gapiin ang De La Salle University Green Archers, 80-76, sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nagbuhos ng 20 puntos si Rey Remogat, habang tumirada ng 19 si Veejay Pre upang pangunahan ang UP, habang nag-ambag ng 11 puntos si Elliot Dimaculangan sa kanyang unang laro sa UAAP.  Umangat sa 3-2 kartada ang Fighting Maroons.

Agad na nakapagtatag ng kalamangan ang UP matapos kunin ang 24-17 bentahe sa first quarter. Pinalawak pa nila ito sa 42-28 pagsapit ng halftime matapos dominahin ang second quarter, 18-11.

Bumawi naman ang Green Archers sa third quarter at nagtala ng 25 puntos laban sa 21 ng UP upang mapaliit ang agwat bago ang fourth quarter.

Napanatili ng Fighting Maroons ang 70-59 kalamangan sa fourth quarter, ngunit nagawang bumangon ng La Salle at maagaw ang manipis na 73-72 bentahe.

Gayunman, nagpakawala si Pre ng krusyal na basket bago sinelyuhan nina Dimaculangan at Pre ang panalo sa pamamagitan ng mga free throw.

Nanguna sa La Salle si Jan Macalalag na may 17 puntos, nagdagdag si Luis Pablo ng 14, may 12 si Andrei Dungo at  umiskor si Jacob Cortez ng 10 puntos. Nahulog ang Green Archers sa 3-3.

Sa unang laro, nalusutan ng Adamson University Falcons (3-2) ang matinding ratsada ng University of the East Red Warriors (0-6) sa third quarter  upang itakas ang 71-64 panalo.

Nanguna sa opensa ng Adamson si Ray Allen Torres na nagtala ng 17 puntos, habang nagdagdag sina Precious Jonah ng 14, Matt Erolon ng 12, Earl Medina ng 11, at Matthew Montebon ng 10.

Maagang nadiktahan ng Falcons ang laro matapos umabante, 24-14, sa first quarter. Lalo pa nilang pinalaki ang agwat sa second quarter, 30-18, upang dalhin ang 54-32 kalamangan sa halftime.

Ngunit hindi sumuko ang UE at nagpakita ng matinding depensa sa third quarter, kung saan tatlong puntos lamang ang naiposte ng Adamson. Agad namang pinatatag ng Adamson ang kanilang opensa sa final canto upang muling makalayo.

Nanguna para sa UE si Toper Lagat na may 22 puntos, habang nag-ambag si DJ Robles ng 12 marka.