ADAMSON HINUBARAN NG KORONA ANG NU SA SSL
PINUTOL ng Adamson University Lady Falcons ang pagrereyna ng four-time defending champion National University Lady Bulldogs sa pamamagitan ng 24-26, 28-26, 25-23, 25-20 panalo sa kanilang semifinals duel sa 2026 Shakey’s Super League Unity Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Bumangon ang Lady Falcons mula sa pagkatalo sa unang set at kinuha ang sumunod na tatlong set upang wakasan ang kampanya ng NU para sa ika-5 sunod na kampeonato.
Matapos mabigo sa unang set, nagpakitang-gilas ang Adamson sa dikdikang ikalawang set kung saan nanaig ito sa 28-26 upang maitabla ang laban.
Nagpatuloy ang ratsada ng Lady Falcons sa ikatlong set, 25-23, bago isinara ang laban sa pamamagitan ng limang puntos na kalamangan sa ikaapat na set.
Nanguna si Shaina Nitura para sa Adamson at napili bilang Most Valuable Player of the Match matapos magtala ng 16 puntos mula sa 14 attacks, isang block at isang ace.
Dahil sa panalo, natuldukan ang apat na sunod na titulo ng NU at nakamit ng Adamson ang malaking hakbang sa paghahangad nitong masungkit ang kampeonato sa Unity Cup.