NCAA: HISTORIC SEMIS BERTH SA EAC
MATAGAL na hinintay, ilang ulit na nabigo, at maraming pagsubok ang pinagdaanan. Ngunit sa NCAA Season 102, tuluyan nang nabuksan para sa Emilio Aguinaldo College Generals ang pinto patungo sa Final Four.
Isinulat ng EAC ang isang mahalagang kabanata sa kasaysayan ng kanilang basketball program matapos durugin ang College of St. Benilde Blazers, 88-64, sa quarterfinals noong Martes ng gabi sa San Juan Arena upang makamit ang kauna-unahang semifinal appearance ng paaralan sa NCAA.
Mula nang sumali sa liga noong 2009, hindi pa nakalampas sa elimination round ang Generals. Ngayon, matapos ang 17 taon ng paghihintay, mayroon na silang pagkakataon para makipagsabayan sa mga higante ng collegiate basketball sa isa sa pinakamahalagang yugto ng torneo.
Hindi naging madali ang paglalakbay patungo sa makasaysayang tagumpay. Maging ang kanilang pagsisimula sa kasalukuyang season ay puno ng pagsubok matapos magsimula ang EAC sa 0-3 kartada.
Inamin ni Jude Bagay na umabot sa puntong nadala ng pagkadismaya ang mga manlalaro sa kanilang mga ensayo, ngunit nanatili silang nanalig sa sistemang ipinatutupad ni head coach Jerson Cabiltes.
“‘Di madali sa team namin. Nagstart kami as 0-3, dumating sa point na kahit sa mga ensayo namin, nagaaway-away na kami. Frustrated kami pero nagtiwala kami sa sistema ni coach Jerson (Cabiltes),” ani Bagay.
“Alam kasi namin na alam ni coach ‘yong gagawin in these types of games,” dagdag pa ng tubong Davao na player.
At sa pinakamahalagang pagkakataon, nagbunga ang kanilang pagtitiwala.
Pinangunahan mismo ni Bagay ang makasaysayang panalo sa pamamagitan ng 26 puntos, 4 assists at 3 rebounds upang tuluyang maitaboy ang Blazers at masiguro ang puwesto sa semifinals.
Nagdagdag si EJ Castillo ng 15 puntos para sa Generals, habang may tig-11 sina Jacob Shanoda at MJ Raymundo.
Ngunit para sa EAC, higit pa sa isang panalo ang kanilang nakamit.
Matapos ang maraming taong paghihintay at mga season na hindi nakalusot sa eliminations, isang bagong yugto na ngayon ang naghihintay sa Generals—ang pagkakataong lumaban para sa kampeonato.
Mas mabigat na hamon ang kanilang susunod na haharapin dahil makakasagupa nila ang defending champion na San Beda University sa best-of-three semifinal series.