NCAA: LETRAN SINIBAK ANG MAPÚA, SWAK SA SEMIS
PATULOY ang paghahangad ng Colegio de San Juan de Letran Knights sa kampeonato matapos pataubin ang Mapúa University Cardinals, 86-75, sa quarterfinals ng NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Tinuldukan ng Knights ang kampanya ng Cardinals at sinelyuhan ang kanilang puwesto sa semifinals, kung saan makakaharap nila ang Jose Rizal University Heavy Bombers sa isang best-of-three series.
Nauna nang nakasiguro ng semifinals berth ang Heavy Bombers matapos gapiin ang Arellano University Chiefs noong Lunes ng gabi.
Nanguna ang rookie guard na si Justin Cargo sa opensa ng Letran matapos magtala ng 19 puntos, 3 rebounds, 2 assists at 2 steals sa krusyal na panalo.
Aminado si Cargo na malaki ang nakataya sa kanilang paghaharap dahil maaari silang malagay sa alanganin sakaling mabigo silang makalusot sa quarterfinals.
“Malaking challenge ‘to sa’min kasi ‘pag natalo kami dito, parang kami pa magiging dehado sa next game,” aniya. “Sabi sa’min ng coaches namin, do-or-die na ‘tong laban kaya ibuhos na dapat namin lahat ng makakaya namin.”
Nag-ambag sina Chad Gammad at Jimboy Estrada ng 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Knights. Nagpamalas din ng all-around performance si Titing Manalili na nagtala ng 11 puntos, 8 assiss, 3 rebounds at 2 steals.
Dikit ang simula ng laro matapos makalamang ang Knights ng isang puntos lamang, 23-22, sa first quarter.
Gayunman, tuluyang nakontrol ng Letran ang laban sa second quarter nang magtala ito ng 27 puntos habang nilimitahan ang Mapúa sa 14 upang palakihin ang kalamangan sa 50-36 pagsapit ng halftime.
Hindi agad sumuko ang Cardinals at muling nagbanta sa fourth quarter matapos maibaba sa apat na puntos ang deficit, 75-71, sa pamamagitan ng three-pointer ni Ivan Lazarte, may 4:32 pa ang nalalabi.
Agad namang sumagot sina Denzil Walker at Aaron Buensalida ng magkasunod na basket upang maibalik sa walong puntos ang bentahe ng Knights, 79-71, may 3:44 pa sa orasan.
Nagtapos si Lazarte na may game-high na 27 puntos para sa Cardinals. Nagtala si Yam Concepcion ng double-double na 11 puntos at 10 rebounds para sa Mapúa, habang may tig-10 puntos sina Jamal Diaz at Cyrus Cuenco.