NCAA: SAN BEDA SINIBAK ANG PERPETUAL HELP, ABANTE SA SEMIS
UMUSAD sa semifinals ang defending champion San Beda University Red Lions matapos igupo ang University of Perpetual Help Altas, 73-71, sa quarterfinals ng NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Sinamantala ng Red Lions ang twice-to-beat advantage bilang top seed ng Group A upang tuldukan ang kampanya ng Altas at makaabante sa semifinals.
Nanguna si Aldous Torculas para sa defending champions sa kinamadang 20 puntos, 4 rebounds, 1 steal at 1 block.
Ayon kay Torculas, naging pangunahing motibasyon niya ang kagustuhang maiuwi ang panalo para sa koponan at makagawa ng mga tamang desisyon sa loob ng court.
“Mas ginusto ko lang na manalo at ando’n ‘yong eagerness [namin] to make the right plays and do the right things,” aniya.
Inamin din ng guard na nakaapekto sa kanyang kumpiyansa ang pagkakatapilok sa unang bahagi ng laro, ngunit hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy ang kanyang kontribusyon.
“Siyempre natapilok din ako, naapektuhan ‘yong mental ko ng onti pero inisip ko na gusto ko pa din manalo for my team,” dagdag niya. Naitala niya ang 15 sa kanyang kabuuang puntos sa second half.
Naging dikit ang laban sa huling yugto nang maagaw ng Perpetual ang 67-66 kalamangan. Gayunman, agad na sumagot ang San Beda sa pamamagitan ng pitong sunod na puntos, na pinangunahan at tinapos ni Torculas para sa 73-67 bentahe, may 1:34 pa ang nalalabi.
Hindi agad sumuko ang Altas matapos magsalpak sina Mark Gojo Cruz at Jim Corpuz ng magkasunod na basket upang makalapit sa 73-71, wala nang 40 segundo sa orasan.
Nagkaroon pa ng pagkakataon ang Perpetual na maagaw ang panalo, ngunit hindi pumasok ang huling three-point attempt ni Rey Maglupay na nagbigay sana sa kanila ng panalo.
Nag-ambag si Dan Marcelo ng 16 puntos para sa Red Lions, habang nagtala si John Bonzalida ng 13 puntos at 7 rebounds.
Nanguna naman si Gojo Cruz sa Perpetual sa 18 puntos, habang may 15 si Shawn Orgo