SSL: NO. 3 SEED SINELYUHAN NG ADAMSON
BUMAWI mula sa mabagal na simula ang Adamson University Lady Falcons upang dominahin ang College of Saint Benilde Lady Blazers, 26-24, 25-15, 25-21, at masiguro ang ikatlong puwesto sa quarterfinals ng 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Tinapos ng Lady Falcons ang Round of 8 sa Pool E sa pamamagitan ng krusyal na panalo matapos matalo sa kanilang unang dalawang laro.
Nakatulong sa Adamson ang pagbabalik ni Shaina Nitura na hindi nakapaglaro sa tatlong naunang laban. Nagmula sa bench ang pangunahing scorer ng koponan at nagtala ng pitong puntos, anim dito ay mula sa attacks, sa ikalawa pa lamang niyang laro sa torneo.
Naging susi sa panalo ng Lady Falcons ang kanilang matinding pagbangon sa unang set. Mula sa pagkakaiwan ng walong puntos, 6-14, nagpakawala ang Adamson ng 11-2 run upang maagaw ang kalamangan, 17-16, bago kinuha ang dikdikang set, 26-24.
Dala ang momentum, tuluyang kinontrol ng Lady Falcons ang ikalawang set bago pinanatili ang kanilang laro sa ikatlong set upang makumpleto ang 79-minutong panalo.
Pinangunahan ni Frances Mordi ang Adamson sa 11 puntos mula sa siyam na attacks, isang block at isang ace. Nagdagdag naman si Third Tuddao ng walong puntos.
“Although it was a slow start, I remembered what coach was telling us before the game, that we should learn to adjust,” ani Mordi. “During the game, at the start, it was very slow but at the end we were able to adjust based on what coach told us.”
Makakaharap ng Adamson sa quarterfinals simula Nobyembre 14 ang ikalawang koponan mula sa Pool F, na may twice-to-beat advantage.
Samantala, ikatlong sunod na pagkatalo naman ito ng Benilde, na susubok bumawi sa quarterfinals kontra top seed ng Pool F na University of Santo Tomas. May twice-to-beat incentive din ang Golden Tigresses.
Nanguna sa Lady Blazers si Grace Borromeo na may 10 puntos mula sa walong attacks at dalawang aces. Nag-ambag sina Arianna Pua at Camila Bartolome ng walo at pitong puntos, ayon sa pagkakasunod.