Overtime

GRASSROOTS BASKETBALL PROGRAM PALALAWAKIN NG PBGL

4 November 2026

MAS paiigtingin ng Pilipinas Basketball Grassroots League (PBGL) ang programa nito para sa pagpapaunlad ng mga batang basketball player sa bansa, kasabay ng pagsisimula ng bagong season na kasalukuyang nasa qualifying stage bago ang regional competitions sa Abril at national finals sa Mayo.

Inilahad ng mga opisyal ng liga ang kanilang mga plano sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Philippine Sports Commission media room, kung saan binigyang-diin nila na hindi lamang kasanayan sa basketball ang layunin ng programa kundi pati ang paghubog sa disiplina, mabuting asal at kakayahang mamuno ng kabataan. “It’s not just basketball but a wholistic approach.

This is for the youth,” pahayag ni PBGL national program director Erice Joseph Salonga sa forum, kasama sina assistant vice president Russel Soberano, executive secretary Linus Taa at vice president for media Jorge Rentillo.

Itinatag noong 2019, ang PBGL ay bukas sa mga paaralan, lokal na pamahalaan at basketball clubs sa iba’t ibang panig ng bansa. Tinatayang hanggang 48 koponan ang maaaring lumahok sa bawat age category, simula sa 10-and-under division. May anim na age divisions ang torneo.

Bukas sa mga lalaki at babae ang under-18 category, habang pawang mga koponan ng lalaki ang magbabakbakan sa natitirang limang dibisyon.

Ayon kay Salonga, layunin ng programa na mahubog ang mga kabataan sa pamamagitan ng sports, mapalakas ang kanilang disiplina at mabawasan ang labis na paggamit ng mga gadget. “With all the things that are happening, we want to focus on the children and instill discipline.

Para ma-divert din ang attention nila from gadgets. This is more than just a basketball clinic. If we can develop them as young as 10 years old, we can create good leaders,” dagdag niya.

Isinasagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government at Samahang Basketbol ng Pilipinas. Kabilang sa mga lugar na pagdarausan ng mga kompetisyon ang Ilocos Sur, Bataan, Zambales, Pampanga, Nueva Ecija, Bulacan, Bukidnon, Cagayan de Oro, Isabela, Ilocos Norte, La Union, South Cotabato at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Ayon naman kay Rentillo, makakakuha ng puwesto sa World Youth Championships sa Singapore sa susunod na taon ang mga kampeon sa bawat age division.

Inaasahang lalahok sa naturang international tournament ang mahigit 100 koponan mula sa 15 bansa. Bukod sa pagtuklas at paglinang ng mga batang talento, inaasahan ding makatutulong ang programa sa pagpapasigla ng sports tourism sa mga lalawigang magiging punong-abala sa mga laro.

“With all the provinces involved, sports tourism din ito. It creates business for the hotels, restaurants and tourist spots because the children normally travel with their parents. And for the LGUs, it’s one way of advertising their provinces,” ani Salonga.