Overtime

30-GAME LOSING SKID PINUTOL NG UE

8 November 2026

TINULDUKAN ng University of the East Red Warriors ang matagal na pagkauhaw sa panalo matapos gapiin ang Adamson University Falcons, 53-47, sa UAAP Season 89 men’s basketball kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Matapos ang mahigit dalawang taong walang panalo, nakamit din ng Red Warriors ang unang tagumpay ngayong season sa pamamagitan ng matibay na depensa, partikular sa huling quarter kung saan tatlong puntos lamang ang naiskor ng Soaring Falcons.

Malaking bahagi ng makasaysayang panalo si Toper Lagat na kumamada ng 14 puntos at 4 rebounds, kapantay ng produksiyon ni Mo Tanedo. Nagdagdag naman si JM Edoukou ng 13 puntos at 10 rebounds upang makopo ng UE ang unang panalo sa 11 laro.

Hindi maitago ni Lagat ang kanyang kasiyahan sa pagputol ng 30-game losing skid kasabay ng pasasalamat sa mga kakampi, coaching staff at komunidad ng UE na patuloy na sumuporta sa koponan sa kabila ng sunod-sunod na kabiguan.

“Firstly, I want to thank God for the win. It’s super grateful to be doing this,” ani Lagat. “We’re so happy seeing the staffs, my teammates, the coaches, and of course the community. They’re all so happy. I’m so grateful and happy for this first win.”

Maagang nagpakita ng sigla ang UE at nagtayo ng 21-11 kalamangan sa first quarter. Gayunman, nakabawi ang Adamson sa second quarter matapos limitahan sa pitong puntos ang Red Warriors habang umiskor ng 13 upang idikit ang laban sa halftime.

Nagpatuloy ang paghabol ng Falcons sa third quarter matapos magtala ng 20 puntos laban sa 18 ng UE, ngunit hindi nila nagawang agawin ang kalamangan.

Sa halip, tuluyang isinara ng Red Warriors ang kanilang depensa sa huling yugto at hinayaang makaiskor lamang ng tatlong puntos ang Adamson, habang nagtala sila ng pito upang maselyuhan ang panalo.

Para kay Lagat, pangunahing layunin lamang nila ang makuha ang unang panalo habang ginagawa ang kanyang responsibilidad na makatulong sa opensa at mabigyan ng pagkakataon ang mga kakampi.

“It’s to get our first win, get my teammates open, and just do my job, do my thing,” pahayag niya.

Ang huling panalo ng UE sa UAAP men’s basketball ay naitala noong Oktubre 2024 nang talunin nito ang National University, 74-58. Mula noon, nalasap ng Red Warriors ang 30 magkakasunod na kabiguan.

Nanguna si Manu Anabo para sa Falcons na may 14 puntos, habang nagdagdag si Monty Montebon ng 10. Bumagsak naman ang Adamson sa 4-7 kartada.