Overtime

SAN SEBASTIAN WINLESS SA ELIMS

7 November 2026

BINIGO ng University of Perpetual Help Altas ang huling pag-asa ng San Sebastian College-Recoletos Golden Stags na makatikim ng panalo sa eliminations matapos ang 82-75 dominasyon sa NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.

Umangat ang Altas sa 4-8 kartada, may isa pang laro ang nalalabi sa kanilang preliminary round schedule, habang lumagapak ang Golden Stags sa 0-13 marka at lalaro sa play-in tournament.

Hindi naging madali ang panalo ng Perpetual matapos rumatsada ang San Sebastian sa huling bahagi ng laro.

Mula sa 74-62 bentahe ng Altas sa fourth quarter, bumanat ng 9-1 run ang Golden Stags upang maibaba sa 75-71 ang agwat, may 2:04pa ang nalalabi sa laro.

Gayunman, pinutol ni Mark Gojo Cruz ang momentum ng San Sebastian sa pamamagitan ng isang basket sa loob, bago tuluyang inilayo ni Jim Corpuz ang Perpetual sa pamamagitan ng sunod-sunod na free throws para sa 79-71 kalamangan, wala nang isang minuto ang nalalabi.

Ayon kay Perpetual assistant coach Allan Albano, naging mahalaga ang paalala ni head coach Olsen Racela na panatilihin ng koponan ang mentalidad ng isang underdog.

“Fortunately, coach Olsen (Racela) reminded us to always play like underdogs,” ani Albano. “Buti no’ng first quarter, nakalamang kami ng maganda-ganda pero gano’n talaga ang basketball. It’s a game of runs, nagrun kami, nagrun din ang San Sebastian pero buti na lang, nasustain namin sa fourth quarter.”

Nagtala si Gojo Cruz ng 19 puntos, 6 rebounds at 5 assists upang pangunahan ang Altas. Umiskor din si Juan Tulabut ng 19 puntos, habang nagdagdag si LA Casinillo ng 14.

Nanguna naman si Niel Castor sa Golden Stags na may 18 puntos, habang may 15 si Ralph Gabat. Gayunman, hindi sapat ang kanilang kontribusyon upang makaiwas ang San Sebastian sa pagtatapos ng eliminations na walang panalo.

Muling maghaharap ang dalawang koponan sa play-in stage ng Group B, kung saan tangan ng Perpetual ang twice-to-beat advantage.