Overtime

UAAP: ‘FINAL FOUR’ BID PINATATAG NG FEU

5 November 2026

PINATATAG ng Far Eastern University Tamaraws ang kanilang kampanya para sa Final Four matapos pataubin ang University of the East Red Warriors, 94-83, sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Pinangunahan ng balanseng opensa ang panalo ng Tamaraws upang mapaganda ang kanilang rekord sa 6-4 at makasalo ang De La Salle University Green Archers sa ikatlong puwesto.

Nanguna si Jorick Bautista para sa FEU na may 18 puntos, habang may tig-15 puntos sina Kirby Mongcopa at Mo Konateh. Nagpakitang-gilas din si Konateh sa ilalim ng basket matapos kumolekta ng 19 rebounds, habang nagdagdag si Elias Gish ng 13 puntos.

Umabot sa 17 puntos ang kalamangan ng Tamaraws, sapat upang mapanatili ang kontrol sa laro at pigilan ang tangkang paghabol ng Red Warriors.

Nanguna naman si Toper Lagat sa opensa ng UE sa pamamagitan ng 24 puntos. Nag-ambag si Lance Sabroso ng 16, habang may tig-11 puntos sina Olamilekan Ajani at Cole Cruz-Dumont.

Lalong lumala ang kampanya ng Red Warriors matapos malaglag sa 0-10 kartada at manatiling walang panalo sa torneo.