PVL: BACK-TO-BACK WINS SA THUNDERBELLES
Mga laro bukas: (Philsports Arena) 4 p.m. – Capital1 vs Akari 6:30 p.m. – Cignal vs Creamline
NAPANTAYAN ng ZUS Coffee ang pinakamahabang winning streak nito sa club history sa 25-22, 25-22, 23-25, 25-20 pagdispatsa sa Chery Tiggo sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
Nanalo ang Thunderbelles ng dalawang sunod at ika-4 sa kabuuan sa walong laro, sa paggiya ni playmaker Clo Mondoñedo sa opensa.
Gumawa si Mondoñedo, isang three-time NCAA champion mula sa College of Saint Benilde, ng 17 excellent sets at nagpakawala ng dalawa sa walong service aces ng ZUS Coffee.
“For me, ginagawa ko lang yung trabaho ko eh. Nakikinig lang ako sa coaches. Then ayun, ang mahalaga ay yung win. Yung mako-contribute mo sa team,” sabi ni Mondoñedo.
Batid ni coach Jerry Yee na pinakikinis pa ng Thunderbelles ang kanilang laro kahit malaki ang iniangat ng koponan sa standings kumpara sa mga nagdaan nilang kampanya.
“We are never satisfied. Always working to move forward,” ani Yee.
Nanguna si Jovelyn Gonzaga para sa ZUS Coffee na may 20points at 15 digs, habang kumana rin si Chai Troncoso ng dalawang service aces upang tumapos na may 18 points at 16 receptions.
Nagtala si Thea Gagate ng 3 blocks para sa 13-point effort, nagdagdag si Chinnie Arroyo ng 12 points, kabilang ang 2 blocks, habang si Michelle Gamit ang isa pang Thunderbelle sa double digits na may 10 points.
Nakakolekta si ZUS Coffee libero Julia Angeles ng 15 digs.
Nagposte si Ara Galang ng ikalawang sunod na 20-point outing subalit hindi ito sapat upang mapigilan ang Crossovers sa paglasap ng ika-4 na kabiguan sa siyam na laro.
Nag-ambag si Shaya Adorador ng 13 points at 11 receptions habang si Cess Robles, ang leading scorer ng Chery Tiggo, ay gumawa ng 11 points.