UST KAMPEON SA SHAKEY’S SUPER LEAGUE
SINAKMAL ng University of Santo Tomas Golden Tigresses ang kampeonato ng 2026 Shakey’s Super League Collegiate National Invitationals matapos pataubin ang De La Salle-College of Saint Benilde, 22-25, 25-8, 25-12, 25-22, kagabi sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Matapos mabigo sa unang set, agad bumawi ang Golden Tigresses at dinomina ang sumunod na dalawang set bago pinigil ang huling paghahabol ng Lady Blazers sa ikaapat na set upang tapusin ang torneo na may malinis na 7-0 kartada.
Pinangunahan nina Regina Jurado at tournament Most Valuable Player Angge Poyos ang UST. Kumamada si Jurado ng 21 puntos mula sa 18 attacks at dalawang service aces, habang nagtala si Poyos ng 20 puntos mula sa 16 attacks, dalawang aces at dalawang blocks.
Nagpakitang-gilas din ang Golden Tigresses sa depensa matapos makapagtala ng 14 kill blocks.
Tinapyas ng Benilde ang kalamangan ng UST sa ikaapat na set sa 22-20, ngunit sumagot ang Golden Tigresses sa pamamagitan ng pagkuha ng tatlo sa huling apat na puntos upang tuluyang maiselyo ang kampeonato.
“Sinabi ko sa kanila na kalimutan na lang muna nila ‘yung nangyari sa first set. Kilala ko naman sila maglaro. Alam naman namin kung ano ang kaya nilang gawin basta dun lang sila mag-focus sa investment namin. May in-adjust lang kami ng kaunti sa team so at least kahit papaano yung sistema naa-adapt na. Good start ito,” ani UST head coach Shaq Delos Santos.
“Sobrang happy kasi alam naman namin na ang preparation namin medyo ang layo pa. Marami pa kaming kailangang trabahuhin. Good sign ito na nakakuha kami agad ng championship. Ito ang paghuhugutan namin to work hard pa lalo na pagdating ng UAAP,” dagdag niya.
Nag-ambag si rookie Kimberly Rubin ng 12 puntos, habang nagtala si Blessing Unekwe ng 10 puntos, kabilang ang pitong kill blocks.
Tinapos ng UST ang torneo nang walang talo matapos walisin ang elimination round, patumbahin ang Letran sa semifinals at talunin ang Benilde sa finals.
Sa panig ng Lady Blazers, nanguna si Camila Bartolome na may 16 puntos, habang nagdagdag si Mary Grace Borromeo ng 12.
Samantala, nasungkit ng Colegio de San Juan de Letran ang ikatlong puwesto matapos talunin ang Australian guest team na Southern Storm Melbourne, 25-21, 18-25, 25-17, 25-23.
Pinamunuan ni Judiel Nitura ang Lady Knights sa kanyang 19 attack points, habang may 12 puntos si Reeza Abayon at pito naman si Carly Nathalie Tizon.
Nagrehistro rin si setter Hizki Flores ng 11 excellent sets.
Pinangunahan nina Cleo Anastasias at Steph Baker ang Southern Storm na may tig-13 puntos, ngunit nagtapos ang Australian squad sa apat na sunod na kabiguan.
Kinilala si Flores bilang Best Setter, habang napunta ang iba pang individual awards kina Althea Botor ng Enderun (Best Outside Hitter), Le Thi Diem Phuong ng Ho Chi Minh City Volleyball Club (Best Opposite), Fiona Inocentes ng Benilde (Best Middle Blocker), at Milla Smith ng Southern Storm (Best Libero).