Overtime

LADY GENERALS SINILAT ANG LADY CARDINALS SA NCAA VOLLEYBALL

24 April 2025

GINULANTANG ng Emilio Aguinaldo College Lady Generals ang Mapua University Lady Cardinals, 25-18, 25-15, 25-15, sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Center sa San Juan City.

Kumamada si Alessandra Razonable ng 15 puntos, kabilang ang 14 attacks at isang block, para mapiling Player of the Game para sa Lady Generals, na umangat sa 3-7 kartada.

“Siguro mas naging pursigido lang kami sa ensayo namin, hindi naman namin iniisip na ma-straight sets namin ang Mapua dahil katulad din naman namin sila na nagpreprepara para sa laro,” ani Razonable.

Sinabi ni Lady Generals head coach Rodrigo Palmero na ang pinagtuunan nila ng pansin noong Semana Santa ay ang pagdetermina kung aling player rotation ang magiging epektibo para sa kanila.

“Sinabi ko lang sa mga bata before the game na hindi naman namin kailangan ipwersa ‘yung ginagawa namin sa game, kundi ilaro lang nila ‘yung natural na laro nila,” ani  Palmero.

“Nagkaroon kami ng one-week preparation para sa larong ito kaya nagkaroon kami ng adjustments, pati ‘yung mga player combinations na magje-jell sa loob ng court,” dagdag pa niya.

Dahil sa pagkatalo ay naputol ang seven-game winning streak ng Lady Cardinals, na nahulog sa ikaapat na puwesto na may 7-3 marka.

Sa men’s division, sinilat ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang College of St. Benilde Blazers, 18-25, 25-22, 25-22, 25-23, para sa kanilang unang panalo ngayong season.

Nanguna si Harry Ocay na may 20puntos, mula sa 19 na atake at isang block, para sa Heavy Bombers, na umangat sa 1-9. Bagsak naman ang Blazers sa 8-2.

Nanatili naman sa unahan ng standings ang wala pang talong Mapua University Cardinals (10-0) matapos ang 25-17, 21-25, 25-16, 25-23 tagumpay kontra EAC Generals (3-7).