KNIGHTS NATAKASAN ANG STAGS
NAKAIWAS ang Colegio de San Juan de Letran Knights sa pagkakasilat sa San Sebastian College-Recoletos Golden Stags makaraang maitakas ang 91-89 panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball kahapon sa San Juan Arena.
Isinalpak ni Johnsherick Estrada ang isang step-back jumper mula sa midrange sa natitirang 0.6 segundo upang basagin ang 89-89
pagtatabla at selyuhan ang ika-7 panalo ng Knights sa 10 laro sa Group B.
Ayon kay Letran coach Allen Ricardo, nakahanda ang kanilang koponan na ibigay kay Estrada ang mahalagang opensa, lalo na nang makita nilang may puwang sa depensa ng kalaban.
“I needed to go to my key player. Kumbaga, pinapractice naman namin ‘yon,” ani Ricardo. “No doubt, no’ng nakita ko na gano’n yong defense nila, magbbreakdown yung defense nila kay Estrada.”
Hindi naging madali ang panalo para sa Knights dahil patuloy na nakadikit ang Golden Stags hanggang sa huling minuto ng laban.
Abante ang San Sebastian, 87-86, wala nang isang minuto ang nalalabi bago naibalik ni Aaron Buensalida ang bentahe sa Letran sa 88-87 sa pamamagitan ng tutukang tira, may 38 segundo pa sa orasan.
Napalawig ni Nat Montecillo ang abante ng Letran sa 89-87 sa kanyang split free throw, ngunit naitabla ito ng San Sebastian matapos na kumana si Niel Castor ng basket, may anim na segundo sa orasan.
Sa huling opensa, sumandal ang Letran kay Estrada, na hindi nabigo sa kanyang step-back jumper upang tuluyang biguin ang San Sebastian.
Nagtapos si Estrada na may 14 puntos, anim na rebounds at tatlong assists. Nanguna naman si Chad Gammad sa Knights sa naiskor na 23 puntos, habang nagdagdag si Buensalida ng 21 puntos at anim na rebounds. May 13 puntos si Froilan Reyes.
Nanatiling walang panalo ang Golden Stags matapos ang 10 laro sa kabila ng 24 puntos ni Caesleyh Bacani. Nag-ambag si John Ynot ng 16 puntos, habang nagtala sina Vincent Segovia at Castor ng 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.