Overtime

EALA ABANTE SA ITALIAN OPEN

7 May 2026

PINATAOB ni Filipina tennis star Alexandra Eala si Magdalena Frech ng Poland, 6-0, 3-6, 6-4, sa opening round ng Italian Open kagabi (oras sa Pilipinas) sa Rome, Italy.

Mabilis na dinomina ni Eala ang unang set bago kinailangang lumaban nang husto sa huling dalawang set upang maselyuhan ang panalo sa Round of 128 ng torneo sa Pietrangeli.

Nagtala si Eala ng kabuuang 82 puntos kumpara sa 75 ni Frech habang nanaig din siya sa games won, 15-10.

Bagama’t walang naitalang ace at may apat na double faults, naging matatag pa rin si Eala sa kanyang service. Nakapagpasok siya ng 68 porsiyento ng kanyang first serves at nanalo sa 56 porsiyento ng mga puntos mula rito. Mas naging epektibo rin siya sa second serve matapos makuha ang 68 porsiyento ng puntos.

Malaki rin ang naging bentahe ni Eala sa break points matapos ma-convert ang anim sa kanyang 12 pagkakataon, samantalang tatlo lamang sa siyam na tsansa ang nakuha ni Frech.

Nagkaroon din si Eala ng ratsada na anim na sunod na games at anim na magkakasunod na puntos sa laban. Nakakuha rin siya ng 36 receiving points at 46 service points.

May tatlong aces si Frech at isa lamang na double fault, ngunit hindi nito napantayan ang consistency ni Eala sa mahahalagang bahagi ng laban. Nakapagpasok ang Polish player ng 61 porsiyento ng kanyang first serves at nanalo sa 51 porsiyento ng first-serve points.