6TH WIN TINUHOG NG KNIGHTS
PINATIBAY ng Colegio de San Juan de Letran Knights ang kanilang kampanya sa NCAA Season 102 men’s basketball matapos dominahin ang College of St. Benilde Blazers, 83-72, kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Umangat ang Knights sa 6-3 kartada upang pansamantalang manguna sa Group B, kasunod ang Arellano University Chiefs na may 5-3 rekord. Bumagsak naman sa 6-3 ang Blazers sa Group A.
Bagama’t nasiyahan sa resulta, iginiit ni Letran coach Allen Ricardo na marami pang dapat pagbutihin ang kanyang koponan. Binigyang-diin niya ang depensa bilang susi sa mas maayos na takbo ng kanilang laro.
“I’m happy, but not satisfied,” ani Ricardo. “Sabi ko sakanila this week, para dumali ‘yong basketball natin, we have to start in our defense and everything else will be easy from there. Ito yung resulta.”
Maagang nagpakita ng lakas ang Knights matapos magtayo ng 24-13 kalamangan sa first quarter at napanatili ang kontrol sa sumunod na mga quarter.
Sinubukan ng Blazers na makabalik sa laro nang ibaba ang agwat sa 10 puntos, 48-38, sa unang bahagi ng third quarter. Subalit agad na tumugon ang Letran sa pamamagitan ng 12-4 ratsada, na nagtapos sa three-point play ni Denzil Walker sa natitirang 2:47 minuto upang palakihin ang bentahe sa 60-42.
Dala ng Knights ang 67-48 kalamangan sa pagpasok ng fourth quarter at hindi na hinayaang makalapit pa ang Benilde hanggang sa final buzzer.
Nanguna si Walker sa Letran sa naitalang 21 puntos, pitong rebounds, apat na assists at dalawang steals. Nagdagdag naman sina Justin Cargo at Aaron Buensalida ng tig-13 puntos, habang may 10 si Kevin Santos.
Nagtala sina Jhommel Ancheta at SJ Moore ng tig-12 puntos habang nalimitahan si Justine Sanchez sa anim na puntos para sa Blazers.