Overtime

ATENEO COACH BALDWIN NAG-LEAVE

12 June 2026

NAG-LEAVE na sina Ateneo de Manila men’s basketball head coach Tab Baldwin at team manager Christopher “Epok” Quimpo habang isinasagawa ang isang imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ng student-athletes na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ateneo president Fr. Roberto C. Yap, SJ na iniutos ng Board of Trustees ng unibersidad ang masusing fact-finding inquiry upang matukoy ang mga pangyayari sa likod ng trahedyang kumitil sa buhay ng dalawang manlalaro sa isang aktibidad ng koponan sa Aurora.
“To preserve the total integrity, independence, and fairness of this investigation—and to ensure all participants can cooperate freely without any actual or perceived pressure—Head Coach Thomas Anthony ‘Tab’ Baldwin and Team Manager Christopher ‘Epok’ Quimpo have gone on leave for the duration of the inquiry,” sabi ni Yap.
Ayon sa unibersidad, susuriin ng imbestigasyon ang mga pangyayaring naganap bago at habang nangyayari ang insidente, bubuuin ulit ang timeline ng mga kaganapan, rerepasuhin ang mga athletic protocol, at kakapanayamin ang lahat ng naroon sa naturang aktibidad.
Batay sa pahayag, nagsasagawa ang koponan ng conditioning exercise sa bahaging malapit sa dalampasigan na hanggang tuhod lamang ang lalim ng tubig noong Hunyo 8 nang sila ay biglang lamunin ng malalaking alon at isang napakalakas na puwersa ng agos pabalik sa dagat.
Bagama’t nakabalik sa ligtas na lugar ang karamihan sa mga manlalaro, tinangay umano ng malalakas na alon sina Baterbonia at Adili.
Pinabulaanan din ng Ateneo ang mga kumakalat na alegasyon sa social media na gumagamit ng mga pabigat o weights sa isinagawang conditioning exercise.
Sinabi ni Yap na direktang isusumite sa Board of Trustees ang resulta ng independent investigation upang magsilbing batayan sa mga susunod na hakbang alinsunod sa resulta ng inquiry at umiiral na batas.
Nangako rin ang unibersidad ng buong pakikipagtulungan sa mga imbestigasyong isinasagawa ng mga pambansang awtoridad at iba pang regulatory agencies.
Ayon sa Ateneo, nananatiling prayoridad nito ang pagbibigay ng materyal, emosyonal, at pastoral na suporta sa mga pamilya ng dalawang nasawing manlalaro.