UST CAGERS PALABAN SA UAAP SEASON 89
NANINIWALA si University of Santo Tomas Growling Tigers head coach Alfredo “Pido” Jarencio na handa na ang kanyang koponan para sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament. at may pabirong babala sa kanilang mga katunggali.
Sa pre-tournament press conference ng UAAP, sinabi ni Jarencio na ginamit ng UST ang preseason upang higit na mapalakas ang samahan ng koponan at mahasa ang kanilang sistema bago sumabak sa bagong season.
“Siguro ‘yung preseason is more on nag-build ng chemistry sa team. And at the same time, ah, ready na ‘yung team, ‘yung preparation namin for season 89. Kaya maghanda kayo,” ani Jarencio.
Nagtapos sa ikaapat na puwesto ang Growling Tigers noong Season 88 matapos silang patalsikin ng University of the Philippines Fighting Maroons sa Final Four.
May mga pagbabago rin sa UST roster ngayong season matapos umalis ang tatlo nilang pangunahing guards na sina Nicael Cabañero, Kyle Paranada at Rence “Forthsky” Padrigao.
Aasahan naman ng Tigers ang mga beteranong nagbalik na sina Collins Akowe, Mark Llemit, Amiel Acido at Koji Buenaflor upang pangunahan ang koponan.
Kasama rin sa bagong roster sina Landyn Jumawan at Renzo Abellar, mga manlalarong nagmula sa NCAA Division 1 at nakatakdang magsilbi bilang one-and-done players.
Sa kabila ng mga pagbabago sa kanilang lineup, umaasa ang UST na magbubunga ang kanilang preseason preparations at magiging mas matatag ang kanilang kampanya sa pagsisimula ng Season 89.