EALA BIGONG MASUNGKIT ANG HONG KONG OPEN TITLE
NABIGO si Alexandra Eala na masungkit ang kampeonato sa Hong Kong Open matapos yumuko sa American na si Claire Liu, 6-3, 6-0, sa championship match kahapon sa Victoria Park Centre Court sa Hong Kong.
Hindi nakahanap ng tiyempo ang second-seeded na si Eala laban kay Liu, na nakontrol ang kabuuan ng laban upang dominahin ang dalawang set at angkinin ang WTA 250 title.
Tatlong games lamang ang naipanalo ng Pinay sa laro, habang patuloy na pinahirapan ni Liu ang kanyang karibal at hindi binigyan ng pagkakataon na makabawi.
Naging epektibo ang American sa kanyang service matapos maipasok ang 88 porsiyento ng kanyang first serves at mapanalunan ang 63 porsiyento ng mga puntos mula rito.
Na-convert din niya ang lima sa siyam na break-point opportunities, kumpara sa isa lamang sa apat na pagkakataon ni Eala.
Nagtala si Liu ng limang aces at isang double fault, habang isang ace at apat na double faults naman ang naitala ng Pinay.
Tabla ang dalawa sa service points won sa 32, ngunit naging malaki ang bentahe ni Liu sa receiving points, 34-20. Nagtapos din ang American na may 66 total points kumpara sa 52 ni Eala.
Sa kabila ng pagkabigo sa finals, naging matagumpay pa rin ang kampanya ni Eala sa Hong Kong Open matapos makausad sa championship round, kabilang ang krusyal na panalo kontra Greek player na si Maria Sakkari sa semifinals.
Ang runner-up finish ay panibagong mahalagang resulta para kay Eala, na patuloy na nagpapatibay ng kanyang puwesto sa hanay ng mga nangungunang manlalaro sa WTA Tour.